Nagtipon-tipon ang humigit kumulang 300 magsasaka sa San Jose City sa ginanap na Farmers Summit doon noong nakaraang Lunes, March 18, 2019 para paghandaan na ang pagpapatupad ng kapapasa lang na batas, ang Rice Tariffication Law.

Sa naturang summit, na inorganisa ni dating San Jose City Mayor Marivic Belena, ay ipinaliwanag sa mga magsasaka doon ang mga dapat nilang gawin para makasabay sa implementasyon ng naturang batas.

Aniya kailangan ay magkaisa ang mga magsasaka sa kanilang lungsod at maging organisado upang magkaroon sila ng boses sa pamahalaan dahil kung iilan lamang ang magrereklamo ay hindi naman ito pakikinggan.

Dapat din umanong maging mapagmatyag ang mga magsasaka at pag-aralang mabuti ang mga isyu tungkol sa naturang batas para mapakinabangan ito ng mga magsasaka.

Ayon kay Mang Conrado Mueca, taga-pangulo ng Malasin Farmers Association, bagaman kinakabahan siya sa magiging epekto ng Rice Tariffication Law ay handa naman siyang bigyan ito ng pagkakataon na maipakita ang magandang hangarin sa mga gaya niyang magsasaka.

Para naman kay Mang Lipardo Daypo, tama lang na maging organisado at magkaisa sila para mabigyan sila ng oras at suporta ng pamahalaan kapag sila ay lumapit at humingi ng tulong dito.

Pagkatapos ng programa ay lumagda ang bawat isang magsasaka sa “Paninidigan Hinggil sa Rice Tariffication Law” kung saan ay tinatayuan nila ang kanilang patuloy na pag-aaral sa mga usapin at gayundin ang kanilang pagkakaisa at pagiging mapagmasid upang makuha nila ang suporta ng lokal na industriya ng bigas. –Ulat ni Jessa Dizon