Hawak ni Sto. Domingo Elected Mayor Imee de Guzman ang Joint Order galing sa Ombudsman na natanggap niya noong ika-31 ng Enero ngayong taon kung saan binabaligtad at isinasantabi ang naunang desisyon sa kanyang kaso.

June 18, 2018 naglabas ang Ombudsman ng Joint Resolution na nagdi-dismiss sa panunungkulan ni Mayor Imee de Guzman dahil sa di-umano’y paglabag nito sa anti-graft laws at grave misconduct na ifinile ni Elected Vice Mayor Gregand Andres.

Magdadalawang linggo nang nasa mga kamay ni de Guzman ang order ngunit hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay nananatiling nakaupo si Andres bilang punong bayan ng Sto. Domingo.

Ayon kay Mayor Imee, hinihintay niya ang Department of Interior and Local Government para mag-implementa ng nasabing kautusan ng Ombudsman upang makabalik siya sa pwesto.

Sa hiwalay na panayam kay Mayor Andres, inamin nito na may natanggap din siyang kopya ng reversal ng naunang order ng Ombudsman.

Ngunit, hindi umano kikilos ang kanyang kampo hanggang walang nagpapatupad ng bagong kautusan ng Ombudsman at kung mangyari ito ay saka pa lamang siya gagawa ng legal na hakbang. –Ulat ni Jessa Dizon