Pinaigting pa ang tungkuling ginagampanan ng mga kababaihan sa lipunan sa ginanap na Womens Role in Nation Building ng DTI o Department of Trade and Industry, PTTC o Philippine Trade Training Center at ng Provincial Government.

Dinaluhan ito ng mga pangulo ng samahang “Kababaihan Tanglaw at Lakas ng Nueva Ecija” na galing sa ibat ibang bayan at lungsod ng lalawigan, katulad ng Cabanatuan City, Guimba, Gen. tinio, Bongabon, Gabaldon, Natividad, Talavera at Zaragoza.

Ayon kay Elvie Ronquillo, Focal Person ng Kababaihan-TALA ng Nueva Ecija, layunin nito na mabigyan ng karagdagang kaalaman ang mga kababaihan tungkol sa kakayahan ng mga ito na magtaguyod sa bansa at pundamental na pagkakapantay-pantay ng kababaihan at kalalakihan sa batas.

Tinalakay dito ang Basic Gender and Development Concepts, Manifestations of Gender Bias, Magna Carta of Women, at ang Gender Issues in Entrepreneurship and Barriers to Women’s Economic Empowerment.

Ayon naman kay Elizabeth Manuel, Acting Deputy Executive Director ng PTTC, mahalaga umano na malaman ng mga kababaihan ang kanilang karapatan at tungkulin hindi lamang sa loob ng tahanan, kundi maging sa lipunan na kanilang kinabibilangan.

Hinihimok din ang mga kababaihan na hindi lamang maging ilaw ng tahanan, kundi maging katuwang o partner din ng mga kalalakihan, pagdating sa pagtulong sa pinansyal na pangangailangan ng pamilya.

Mensahe naman ang iniwan ni Carmen Penson, Federated President ng Kababaihan TALA ng Nueva Ecija. Ulat ni Danira Gabriel