Inilipat na ni Department of Agriculture Secretary Emmanuel “Manny” Piñol sa mahigit apat na raang magsasakang Llanerano ang pangangalaga sa itinuturing na kauna – unahan at pinakamalaking Solar Power Irrigation System sa Central Luzon.
Itinayo noong Abril 2017 sa bayan ng Llanera ang SPIS na sinimulang gamitin ng mga magsasaka noong June, 2018.
Ang ipinatayong Solar irrigation ay isang proyekto ng Department of Agriculture na kung saan ipinaalam ni Piñol na ito ay bahagi ng kanyang priyoridad para maitaas ang estado ng pagsasaka ng bigas sa bansa.
Sa pahayag ni Secretary Manny Piñol ang sistema ng irigasyon ay naglalayong mapabuti ang pagiging produktibo ng mga sakahan ng bigas sa naturang bayan at bumalik ang tiwala ng mga magsasaka sa gobyerno.
Nilinaw din niya na kaya inilipat ang pamamahala ng naturang irigasyon sa mga magsasakang Llanerano ay dahil sila na ang pangunahing nagmamay – ari nito.
Ang dating kapitan ng barangay na si Roger Bautista at vice chairman ng Caridad Norte Irrigators Association ay nag-donate ng limang ektaryang lugar para sa nasabing proyekto.
Sinabi naman ni DA Region 3 OIC – Regional Director Crispulo Bautista Jr. sa pamamagitan ng diesel pump ay maaaring mapatubigan ang pitong pung ektaryang sakahan at ngayon ay mas nadagdagan pa ng limam pung ektaryang sakahan.
Na nagresulta ng mas mataas na ani na umabot sa isandaan at dalawam pung sako ng palay kada ektarya na dati lamang ay umaani ng walong pung sako ng palay .
Bukod sa paghahatid ng SPIS, ang punong DA ay nakatuon din na magbigay ng tulong sa mga magsasaka ng Caridad Norte at Sur sa pamamagitan ng pag – papautang na mula sa gobyerno.
Halagang 4.2 milyon pesos ang nakalaang ipapahiram para sa 210 hectares rice area ng Caridad Norte habang ang natitirang walong daang libong piso ay maaaring hiramin ng mga nagtatanim ng gulay sa nasabing bayan.