Ilang mga Facebook page ang nagsagawa ng online poll sa mga kumakandidato sa probinsya para malaman kung sino ang gustong iboto ng mga Novo Ecijano.

Sa Facebook Page na Tubong Nueva Ecija nakakuha si Atty. Aurelio Umali ng kabuuang 727 na boto, 389 na boto naman kay Edno Joson at 297 na boto para kay Virgilio Bote para sa gubernatorial race.

Habang sa pagka-kongresista naman sa ikatlong distrito ay mas mataas ang naging boto para sa kasalukuyang Ina ng Lalawigan, Governor Czarina Umali na umabot sa 784 boto habang 713 naman para kay Ria Vergara.

Sa ginawang online poll naman ng Inside Nueva Ecija page ay nakakuha ng 78% na boto ang tandem nina Atty. Oyie Umali at Doc Anthony Umali kontra sa kanilang makakatunggaling sina Virgilio Bote at Edward Joson na may 22% lang.

Kaya naman nilibot ng Balitang Unang Sigaw ang Cabanatuan City at ilang mga bayan sa lalawigan at tinanong ang ilang mga Novo Ecijano kung ano-ano ba ang mga katangian na gusto nila sa isang pulitiko na mamumuno dito sa probinsya.

Para kay Andy Mangalili ng Talavera, Nueva Ecija, ang nais niyang maging lider ay isang tao na tutugon sa mga pangangailan ng kanyang nasasakupan at tutulong sa mga kapus-palad.

Matapat na paglilingkod naman ang hanap ni Edwin Jimeno, isang tricycle driver mula sa Melojavilla, Cabanatuan City sa kandidatong kanyang iboboto.

Habang isang pinunong makamasa at may malasakit sa tao ang nais ni Leonardo Asuncion, residente ng Barangay Aduas Sur, Cabanatuan City.

At para sa mga estudyante naman ay isang lider na marunong tumupad sa pangako ang nais nilang maglingkod sa Nueva Ecija.

Mensahe naman ng ilang Novo Ecijano sa mga kandidato sana ay maging tapat sila sa tungkulin, tuparin ang kanilang mga pangako at huwag maging corrupt.

Sa darating na halalan, mahalaga na pag-isipan mabuti kung sino ang iuupo sa pwesto, kilalaning mabuti ang iluluklok at pinaka importante, huwag magpasilaw sa kaunting halaga bilang kapalit ng iyong boto. –Ulat ni Jessa Dizon