Lubos ang pasasalamat ng mga iskolar mula sa NEUST Peñaranda campus, NEUST Sumacab at ELJ Memorial College sa Pamahalaang Panlalawigan dahil sa nakuhang tulong pinansyal para sa kanilang pag-aaral.
Sa kabuuang bilang nasa 1500 na iskolar ang nabigyan ng 2500 pesos mula sa Pamahalaang Panlalawigan, dalawang daan at limampu’t anim dito ay galing sa NEUST Peñaranda campus.
Ayon kay Shane Alvie Balosteros na kumukuha ng kursong BS Education major in Mapeh sa NEUST Peñaranda campus, malaking tulong para sa kagaya niya ang ganitong programa dahil sa financial assistance na ito ay nababawasan kahit papaano ang kanilang mga gastusin sa eskwela.
Gayundin, labis labis ang saya at pasasalamat ni Archie Abesamis isang PWD at kumuha ng kursong BS Information Technology, anya hirap man siya sa paglalakad ay nagsusumikap pa rin siyang makapagtapos ng pag-aaral para sa kaniyang pamilya at lalo pa siyang magpupursigi dahil bukod sa pamilya ay nandyan din ang ating pamahalaan na sumusuporta sa mga katulad niya.
Naniniwala naman si Attorney Edmund Abesamis na tumatakbong Mayor sa bayan ng Peñaranda, na malaking bagay ang magagawa ng mga kabataan pagdating sa pamamahala kung sila ay makapagtatapos at patuloy na susuportahan.
Samantala, nasa pitong daan at apatnaput siyam na iskolar ang nabigyan sa NEUST Sumacab at pitong daan at apatnapu’t tatlo naman sa ELJ Memorial College.
May maipambibili naman ng mga libro si Michelle Tumibay na kumukuha ng kursong BSBA sa NEUST Sumacab, anya kahit na mangutang ang kaniyang magulang ng pambili ng libro ay magkakaroon naman ng kapalit dahil sa pinansyal na suporta na ibinibigay sa mga estudyante gaya niya.
Magandang tiyempo naman para kay Marvin Escoge third year student ng BS Education sa kaparehong Unibersidad, ang pagbibigay ng 2500 pesos na financial assistance dahil kailangan na kailangan din niya ito upang makapunta sa isang orientation ng isa pa niyang scholarship sa Pampanga.