Nakatanggap ng tig-iisang daang libong piso ang dalawampu’t dalawang Sentenaryong Novo Ecijano o may edad na isang daan o higit pa, mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pangunguna ni Governor Czarina Umali.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagsagawa ng ganitong programa ang probinsya na may temang “Pagmamahal at Respeto ng nakababata, nagpapaligaya sa mga nakatatanda”, bilang pagkilala at pagpapahalaga sa mga lolo at lolang umabot ng edad na isang daan o higit pa.
Ang mga Centenarians’ o mamamayang umabot sa edad na isang daan o humigit pa ay tiyak na makatatanggap ng isang daang libong piso, matapos na lagdaan ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang Centenarian Act of 2016.
Ayon kay Marijune Munsayac ng Provincial Social Welfare and Development Office, tatlumpu’t isang mga lolo at lola ang nagsumite ng mga requirements subalit dalawampu’t dalawa lamang sa mga ito ang nakarating sa Awarding Ceremony.
Dagdag nito, ito pa lamang ang simula ng naturang programa at magpapatuloy pa hangga’t may mga nagsusumite ng mga requirements na nagpapatunay na ang kanilang kaanak ay edad isang daan o higit pa.
Aabot sa isang daan at pitong taong gulang ang pinakamatandang Sentenaryong Novo Ecijano na nakatanggap ng cash gift, ito ay si Lola Demetria Limus na tiga Lungsod Agham ng Muñoz.
Dahil sa edad ay malabo na rin ang pandinig ni lola Demetria kaya minabuti na lamang naming kapanayamin ang kanyang anak na si Abalino Limus, na nagpahayag ng kasiyahan dahil sa natanggap na halaga na kanilang gagamitin sa pambili ng mga gamit at pagkain ng kanilang ina.
Pumangalawa naman sa mga Sentenaryong Novo Ecijano na nakatanggap ng isang daang libong piso ang ina ni Lorenza Dela Cruz ng Bayan ng Aliaga, na hindi napigilang mapaluha dahil sa natanggap na biyaya ng kanyang ina.
Maliban sa cash gift ay pinagkalooban din ang dalawamput dalawang lolo at lola ng gift package mula sa Pamahalaang Panlalawigan.
Para naman sa mga nagnanais na mapabilang sa mga benepisyaryo ay magsumite lamang ng mga requirements at makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga Municipal Social Welfare and Development Office.
Ang mga kinakailangang requirements ay ang mga sumusunod:
REQUIREMENTS:
- Birth Certificate – katunayan na nasa edad na 100 o higit pa
- Kung sumobra na sa kalumaan maaaring isumite ang Birth Certificate ng anak o kamag-anak na nagpapatunay na sila ay kakilala ng Sentenaryo.
– Ulat ni Jovelyn Astrero