inihandog ng Gapan District Hospital ang Libreng Serbisyong Medikal sa mga Gapanense para sa pagdiriwang ng Kaarawan ng dating Ama ng lalawigan na si Atty. Aurelio Oyie Matias Umali.
Dalawa lamang sina Lola Aurora at Lolo Daniel Padilla sa mga pumilang Gapanense sa libreng operasyon sa maliliit na bukol na handog ng Gapan District Hospital.
Kuwento ni Lola Aurora, dali-dali aniya silang pumuntang mag-asawa sa ospital ng mabalitaan sa kapit-bahay na may libreng operasyon. Dati pa aniya nilang gustong ipatanggal ang “cyst” na tumubo sa likod niya ngunit dala ng maraming gastusin sa pang araw araw na buhay ay hindi pa niya naipapatanggal ang halos tatlong taon ng bukol.
Malaking tulong aniya ang ganitong libreng serbisyong medikal lalo pa’t gumagastos pa rin siya sa gamot dahil nagme-mentainance ito sa sakit na mild stroke sa edad na singkwenta’y dos.
May mensahe naman si Lola Aurora kay Atty. Oyie dahil nalutas na ang matagal na niyang pinoprobolema sa buhay.
Malaking bagay naman para kay Nanay Rosinda Geronimo na may ganitong libreng serbisyo dahil dito ay nararamdaman aniya nila ang tunay na malasakit ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga katulad niyang ordinaryong mamamayan.
Ibinahagi din sa amin ni Nanay ang kanyang pagpapakonsulta sa isang linggong pamamaga ng kaniyang kaliwang pisngi dala ng pananakit ng kaniyang ngipin.
Ayon naman kay Dr. Antonito Duque, Surgeon ng Gapan District Hospital, layunin nito na matulungan ang mga walang kakayahang mamamayan na magpagamot dahil ito aniya ay libre maging ang mga gamot na ipinamigay.
Maliban sa Libreng operasyon para sa maliliit na bukol at Libreng Bunot ng Ngipin ay nagkaroon din ng konsultasyon para sa planong pagpapamilya (Family Planning), Libreng Random Blood Sugar, Libreng Check-up at Gamot at Libreng Blood Typing.
Umabot naman sa labing limang Gapanense ang mga nagpaopera at nasa kwarenta naman ang sumailalim sa blood typing, labing lima rin ang bilang ng mga nagpakonsulta o nagpabunot ng ngipin at halos nasa siyamnapu naman ang kabuuang bilang ng mga nagpacheck-up sa sakit na ubo, sipon, lagnat at iba pa.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran.