Nagtagisan ng galing ang mahigit 100 estudyante galing sa mga paaralan sa iba’t ibang lalawigan sa Region 3 sa kauna-unahang LGU Guimba Taekwondo Championship.

Ipinamalas ng mga manlalaro na mula sa nasa sampung paaralan galing sa iba’t ibangprobinsya ang kanilang husay at liksi sa Beginner at Advanced Level ng Kyorugi at Poomsae events.

Para sa Kyorugi Event, pinakamaraming naiuwing medalya ang Maycauayan Team na 8 gold at 4 silver medal; tatlong gold medal para sa Sto. Niño Starbright Montessori School o SNSMS; dalawang gold at tatlong silver medal naman para sa Waltermart Gapan Team; dalawang gold at isang silver medal sa San Miguel Team; isang gold, apat na silver medal para sa St. Marry’s College – Baliuag; habang dalawang silver medal ang nasungkit ng BNHS Warriors.

Sa Poomsae Event naman ay namayagpag ang SNSMS na may pitong gold at dalawang silver medal; sumunod ang Waltermart Gapan Team na may dalawang gold at tatlong silver medal; San Miguel Team na may tig-isang gold at silver medal; at ang BNHS Warriors na nakakuha ng isang silver medal.

Ang kauna-unahang Guimba Taekwondo Championship ay nabuo sa pangunguna ng Lokal na Pamahalaan ng naturang bayan na layuning hasain ang mga kabataan upang makita ang may mga potensyal na lumaban sa mas malalaking patimpalak at magrepresenta sa ating bansa.

Ginanap ang nasabing kompetisypn sa Sto. Niño Starbright Montessori School bilang bahagi na rin ng selebrasyon ng ika-10 taong pagkakatatag ng kanilang paaralan.

Matatandaan na noong nakaraang taon, lima sa mga mag-aaral ng SNSMS ang nag-representa sa Pilipinas sa isang Taekwondo Competition sa Thailand kung saan naiuwi ng mga ito ang apat na bronze at isang silver medal. –Ulat ni Jessa Dizon