Umabot sa halagang Php94,301,834.00 ang kabuuang budget ng Peace and Order Public Safety Plan na inilaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamumuno ni Governor Czarina Umali.

Kabilang sa mga pinondohan ang mga training sa pagpapalakas ng kapasidad ng mga barangay tanod maging ng mga boys and girls scout.

Bago tuluyang inaprubahan ng Provincial Peace and Order Council ang plano ay imungkahi ni Civil Society Organization Representative Ariel Severino ang pagbibigay ng pondo para sa mga Barangay Peacekeeping Action Teams.

Sinang-ayunan naman ito ni Dr. Abraham Pascua, dating DILG Provincial Director ngunit ipinaliwanag nito na halos magkaparehas lang ang mga tanod at BPATs na sa aktuwal ay nahihirapang makabuo ng dalawampong miyembro sa bawat barangay.

Higit Php39-Million naman ang inilaang budget para sa pagtulong sa kasundaluhan upang mapanatili ang internal na seguridad ng lalawigan, pagsugpo sa illegal na droga at kriminalidad, tulong pinansyal para sa Bahay Kalinga at Ako ang Saklay.

Naglaan din ng pondo para sa mga proyektong pangkabuhayan ng mga nakakulong sa Provincial Jail; implementasyon ng batas tungkol sa illegal logging para sa pangangalaga ng likas na yaman at paglalagay ng street lights. – ulat ni Clariza de Guzman