Nag-protesta kahapon ng umaga, November 7, 2018, sa Muñoz City Hall at PHIL RICE ang iba’t ibang mga progresibong grupo ng magsasaka na tumututol sa Golden Rice.
Sinalubong ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon o AMGL, Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura o MASIPAG, DAGAMI at RESIST ang ika – 33 anibersaryo ng Philippine Rice Research Institute o PHILRICE.
Unang nagsagawa ng maikling programa ang mga magsasaka sa harap ng Muñoz City Hall kasunod ng pagpapa-receive ng kanilang petition letter na naglalaman ng mga pagtutol sa Golden Rice Field Trials.
Ilan sa mga nilalaman ng kanilang liham ay ang una wala pang malinaw na pag-aaral na ligtas itong kainin, ikalawa ang pagkakaroon ng content nito na beta carotene ay mas mababa kumpara sa mga natural na pagkain na mabibili sa palengke at ikatlo nagpapakita ito ng masamang epekto sa kalusugan kapag kinain.
Sa aming panayam sa Chairman ng AMGL na si Joseph Canlas, ang Golden Rice na ito ay isang uri ng binhi na hindi na umano maaaring itanim muli bagkus ay paulit-ulit na bibilhin sa mga suplayer nito.
Binigyang linaw naman ito ng Project Leader ng Golden Rice Project na si Reynante Ordonio na ang naturang bigas ay isang uri ng binhi na kung saan ay maaaring gamitin sa second cropping o ikalawang pagtatanim.
Iginiit ni Alfie Pulumbarit, Officer in Charge ng MASIPAG, na hindi sagot ang Golden Rice sa lumalalang problema ng Vitamin A Deficiency sa bansa.
Sagot ni Ordonio ay gagawin lang compliment sa problema sa bitamina a sa bansa ang Golden Rice at hindi ito sapilitang ipapalit sa bigas ng ginagamit natin ngayon.
Nang aming tanungin si Ordonio kung kailan ang posibleng komersyalisasyon ng Golden Rice ay hindi ito nakapagbigay ng eksaktong petsa dahil aniya ay kailangan pa nilang palalimin ang pag-aaral sa naturang bigas at siguraduhin na ligtas itong kainin ng mga mamamayang Pilipino.