Hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Public Works and Highways (DPWH) noong linggo, na gumawa at magdisenyo ng mga bagong gymnasium na magagamit bilang evacuation facilities sa panahon ng Kalamidad.
Sa isang press briefing na ginanap sa Tuguegarao City,sinabi nito na gusto niyang maiwasan na gamitin ang mga school facilities na malimit na nagsisilbing evacuation center, na nagreresulta ng pagsususpendi ng klase.
Dagdag pa nito, kaya naman aniya itong solusyunan sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga himnasyo na hindi lang magagamit sa mga sports events kundi magsisilbi ring evacuation centers sa panahon ng kalamidad, kagaya na lamang ng nasa Davao.
Dito sa Nueva Ecija ay mayroon din ipinatayo si former Governor Aurelio ‘Oyie’ Umali na Multi-Purpose Covered Court sa mga bayan at lungsod sa probinsiya na nagsisilbing pansamantalang tirahan ng mga residente na apektado ng kalamidad.
Kagaya na lamang nitong nagdaang bagyong Ompong kung saan ito ang kadalasang ginagamit na silungan ng mga inililikas na mamamayan na nakatira sa mga delikado at bahaing lugar.
Samantala, nagsagawa din ng aerial inspection ang Pangulo noong linggo sa mga lugar na labis na naapektuhan ng bagyong Ompong.
Ayon sa latest tally ng Philippine National Police, nasa limampu’t siyam ang naitalang namatay. Maari pang tumaas ang bilang ng mga nasawi dahil sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang paghahanap at paghuhukay sa mga natabunan sa landslide sa Itogon Benguet na kumitil sa tatlumpu’t tatlong katao. -Ulat ni Getz Rufo Alvaran.