Bumuo ng isang team ang kapulisan ng san antonio sa pangunguna ni Police Inspector Marlon Cudal upang masusing siyasatin ang insidenteng pamamaril sa nirentahang chopper ni Konsehal Renan Morales noong bisperas ng kapistahan sa bayan ng San Antonio.

Sa aming ekslusibong panayam kay Hepe Cudal, ibinahagi nya ang una nilang naging hakbang sa pagsisiyasat sa kaso, una ay ang pagtungo ng grupo sa pamunuuan ng Lion Air Incorporated sa Pasay City.

At doon napag alaman na ang helicopter na inupahan ni Morales ay isang Robinson R44 Raven II na rehistrado at may serial number na RP-C2958/12025 na pagmamay ari ng Lion Air Incorporated sa pamumuno ni Archibald Po.

Ayon pa kay Hepe Cudal, kinumpira ng General Manager ng Lion Air na si Mr. Renato M.  Sia, na pinagbabaril nga ang naturang chopper sa bayan ng San Antonio, na kung saan tinamaan ang piloto nitong nagngangalang Captain Herbert June Dang-awan.

Sinuri din ng kapulisan ang naturang chopper at doon nadiskubreng kumpirmadong ngang  mayroong bullet hole sa “belly” ng helicopter   kung saan tumagos ang bala sa loob, hanggang sa ibabaw ng helicopter na syang dahilan kung kaya’t nadawit ang piloto nito.

Sunod na isinagawa  ng grupo ay ang follow up investigation,  nakakuha umano sila ng medical records sa  San Juan De Dios Hospital kung saan doon isinugod si Captain Dang-awan  na nagtamo  ng tama ng bala sa kanyang kaliwang braso ng undetermined fire arm.

Nakakuha din ng flight record mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP sa Pasay, at doon nalaman ang  record kung saan unang lumipad ang helicopter mula Lion Air  Hangar o garahe ng eroplano bago lumipad patungong San Antonio.

At nitong miyerkules lang Enero trenta’y uno taong kasalukuyan pormal ng  nakuhanan ng grupo ng foreign statement o salaysay si Captain Dang-awan kaugnay sa insidente noong Enero desisais.

Ayon pa kay Hepe Cudal, ikinanta ni Captain Dang-awan  na regular customer o kliyente nila si Morales na madalas umupa ng helicopter sa Lion Air at paminsan minsan  sya ang nakukuhang piloto nito. Kwento pa umano nito, ang alam ng Lion Air ay ang dapat na pasahero patungong San Antonio ay si Kon. Morales ngunit nagulat na lamang sila nung ang pinasakay ay tiyuhin nito na sinundo nya sa isang tower sa Pasig. Dagdag pa ng piloto, ang buong akala nya ay ang ipapasabog lang sa mismong parada ay confetti hindi ang tigbebente pesos na halaga.

Hanggang ngayon ay inaalam pa ng kapulisan ang pagkakakilanlan ng nasabing tiyuhin ni Morales upang makuhanan ng salaysay  kaugnay sa nangyaring pamamaril sa nirentahang chopper ni Morales patungo sa  bayan ng San Antonio.

Sa ngayon patuloy ang imbestigasyon ng kapulisan ng San Antonio sa pangunguna ni Hepe Cudal. Ang konsentrasyon ng kapulisan ay doon sa lugar na pinangyarihan partikular sa Brgy. Poblacion kung saan naganap ang parada. Maghahanap sila ng posibleng saksi o testigo sa insidente.

Nananawagan naman si Hepe Cudal sa sinumang  makapagbibigay impormasyon at makapagtuturo sa lead o responsable sa insidente na makipag -ugnayan sa kanilang tanggapan o tumawag sa kanilang hotline # na 0917-401-1009 upang  agad na maresolba ang kaso.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran