Tuloy-tuloy pa rin ang voter’s registration sa bawat bayan at lungsod sa lalawigan kaya para sa mga nagnanais na humabol sa pagpaparehistro ay maaari pa kayong pumunta sa inyong mga munisipyo para magpatala sa Commission on Elections.
Base sa COMELEC Resolution No. 10392, ang pagfa-file ng application para sa registration para sa May 13, 2019 National and Local Elections ay mula noong July 2, 2018 hanggang September 29, 2018, Lunes hanggang Sabado, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Ang pagpapatuloy ng registration of voters ay isinasagawa nationwide, bukod sa Marawi City, Lanao del Sur.
Ayon kay Election Officer Jose B. Ramiscal ng Commission on Elections – Talavera, importante ang pagpaparehisto para sa mga mamamayan dahil sa karapatang bumoto at magluklok ng lider na mangangalaga sa karapatan ng bawat tao.
Sa kabuuan sa bayan ng Talavera ay mayroon nang 78,151 registered voters at sa ginanap na satellite registration noong July 2018 ay mahigit 4,200 na residente ang nagparehistro at nadagdag dito.
Para sa mga nais pang humabol na magpatala ay magdala lamang ng kahit anong valid ID at kinakailangan na at least ay 18 years old na at isang taon nang residente ng Pilipinas at sa bayan o lungsod na kanyang pagpaparehistruhan.
Samantala, mula sa original schedule ng Certificate of Candidacy filing sa October 1-5 ay inilipat ng COMELEC sa October 11-17, 2018, hindi kasama ang Sabado at Linggo, bilang pagtugon sa apela ng mga mambabatas na ipagpaliban ito para bigyang daan ang kanilang tungkuling lehislatibo.
Inanusiyo ni COMELEC Spokesman James Jimenez, noong nakaraang Miyerkules, September 12, 2018 ang tungkol sa pagpapaliban ng filing.
Ang October 11 ay araw ng Huwebes habang ang October 17 naman ay tumapat sa araw ng Miyerkules, kung saan hindi katulad noong nakaraang taon ay nagsimula ang CoC filing ng Lunes at natapos ng Biyernes