Pinaplantsa na ng isang malaking mall sa Cabanatuan City, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija at mga Local Government Unit (LGU) ang gaganaping “Festivals of Festivals” na layunin na maitampok ang mga natatanging kapistahan sa iba’t-ibang bayan at lungsod sa probinsiya na inaasahang gaganapin sa buwan ng Setyembre.
Ayon kay Mark Herrera, manager ng mall, ang “Festivals of Festivals” ay isa sa paraan upang tulungan ang probinsiya na mas lalong mapalago ang turismo nito.
Bukod sa pagyabong ng turismo, nais din ng mga namumuno na tulungang lumikha ng maraming trabaho ang mga negosyo para sa mga Novo Ecijano.
Ang unang dalawang aktibidad na isinusulong sa buwan ng Setyembre ay ang exhibition of street dances at ang ang kompetisyon ng pagdidisenyo ng costumes sa festival couture.
Ayon kay Provincial Tourism Officer Lorna Vero, isa ito sa hakbang upang isulong at palakasin ang sining, kultura at industriya ng turismo at trabaho sa lalawigan.
Samantala, unti-unti naman nagiging progresibo ang second class municipality na bayan ng Jaen pagdating sa turismoat negosyo.
Sa katunayan ay ilang malls na ang nagsulputan sa naturang bayan.
Sa pahayag ni Mayor Sylvia Austria, hangad nila na maisaayos na rin ang kanilang municipal park upang gawing pasyalan ng mga mamamayan at mga bumibisita sa Jaen.
Dagdag pa ng Municipal Officer na si Jennifer Santiago, target din nila na maging Agro-Tourism ang calamansi at mango farm sa brgy magsalisi at brgy san pablo at maging Faith Tourism ang naturang bayan.
Maliban sa pamunuan ng Provincial Tourism Office, SM Cabanatuan City at Jaen LGU ang pagpupulong ay dinaluhan din ng Department Of Tourism Region 3, Department of Public Works and Highways (DPWH) 1st and 2nd district at Association of Tourism Officers of Nueva Ecija (ATONE).
Inaanyayahan naman ng Provincial Tourism Officer ang mga negosyante, guro at estudyante sa 5th Annual Conference ng Association of Tourism Officers of Central Luzon na gaganapin sa August 30-31, Convention Center, Palayan City. –Ulat ni Danira Gabriel