Ang fake news ay fake news.
Nilinaw ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na wala silang inilalabas na P10,000 bill kabaligtaran ng kumakalat sa social media.
Bagama’t napagkakatuwaan sa social media ang pag-shashare nito ay posible namang magdulot ito ng kapahamakan sa ibang tao.
Ayon kay Deputy Director Meru Barbero ng BSP-Cabanatuan Branch, anim na denomination lamang ang inilabas nila na new generation currency banknotes: P1,000, P500, P200, P100, P50, at P20.
Nagmula ang post sa “Filipino Secret Files” facebook page na kung saan ayon sa naturang post ay ipinahayag nito na mismong BSP ang opisyal na naglabas ng bagong peso bill.
Makikita sa pekeng perang papel na si Pangulong Ramon Magsaysay at ang Mount Pinatubo ang inilagay na larawan at pirma ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at dating Bsp Governor Amado Tetangco Jr. Ang ginamit.
Umabot ang viral post sa 17,000 reactions, mahigit 6,000 comments at mahigit 39,000 shares. Ngunit, sa kasalukuyan ay binura na ito ng page.
Hinihikayat ng BSP na isumbong ng publiko sa pulis o sa National Bureau of Investigation ang anumang ma-encounter nilang pekeng pera para makasuhan ang mga taong nagpapalaganap nito.
Maaari rin tumawag sa numero ng BSP-Cabanatuan na 600-4502. –Ulat ni Danira Gabriel