Labis ang kasiyahan ng BS Pharmacy student na si Erika Joy Pangilinan matapos niyang makuha ang kanyang tseke na nagkakahalaga ng P5,548.00 na ipinagkaloob ng programang SPES o Special Program for Employment of Students ng Department of Labor and Employment katuwang ang Provincial Government of Nueva Ecija.
Ayon sa kanya, ang natanggap na pera ay malaking tulong sa kanyang pag-aaral lalo na’t mahal umano ang mga aklat at equipment na kailangan niyang bilhin sa ilalim ng kanyang kurso.
Bukod pa sa pera, pinahahalagahan rin umano ni erika ang mga natutunan niya mula sa pagtatrabaho sa Malasakit Office ng probinsya.
Isa lamang si Erika sa 390 estudyante na naging benepisyaryo ng SPES sa lalawigan ngayong taon na tumanggap ng tseke kahapon sa ginanap na Salary Distribution sa Provinciual Auditorium, Old Capitol, Cabanatuan City.

Pormal nang ipinamahagi kahapon ng DOLE o Department of Labor and Employment at Provincial Government of Nueva Ecija ang tsekeng naglalaman ng sweldo ng 390 benepisyaryo ng SPES o Special Program for Employment of Students.
Sa panayam ng TV48 kay Provincial Peso Manager Maria Luisa Pangilinan, umabot daw sa 2.2 million pesos ang kabuuang pondo ng SPES ngayong 2018 kung saan ang 60% ay nagmula sa provincial government habang ang 40% naman ay nanggaling sa DOLE.
Mula May 2 hanggang May 30 ay nagtrabaho ang nasabing mga estudyante sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaang panlalawigan. Layunin nito na matulungan sila sa kanilang pinansyal na pangangailangan sa paaralan at hubugin ang kanilang mga kakayahan.
Samantala, labis naman ang pasasalamat ng iba pang benepisyaryo kay Governor Cherry Umali at sa lahat ng bumubuo ng SPES. – ULAT NI JANINE REYES.