“Kung anong ginawa mo sa kapwa mo ay siya ring babalik sayo”, ito ay isa sa kilalang kasabihan ng mga Pilipino na akma sa kwento ng buhay ng mag-asawang Josefina, singkwentay syete anyos at Dante Diaz, singkwentay otso anyos, ng Barangay Maturanoc, Bayan ng Guimba.
Matapos magviral sa social media site na facebook ang kawang gawa at pagmamalasakit ng pamilya nina Aling Josefina o mas kilala bilang “Pina” sa mahigit anim na pong pasahero kabilang ang mga bata ng nasiraang bus na byaheng Tuguegarao kamakailan ay isang maituturing na biyaya mula sa langit ang dumating sa kanilang buhay.
Kahapon, isang sorpresa ang bumungad sa umaga ng mag-asawang Diaz nang dumating si Governor Czarina Umali sa kanilang tahanan dala ang tulong pinansyal at Gift Certificate kung saan nakapaloob ang isang pangkabuhayan NEGOCART bilang pagkilala ng Pamahalaang Panlalawigan sa kanilang kabutihang loob.
Hindi halos makapaniwala si Aling Pina na dadalawin sila ng Gobernadora at tuluyan nang pumatak ang kanyang mga luha ng iabot sa kanya ng Gobernadora ang cash at gift certificate para sa magiging negosyo ng kanilang pamilya.
Nakipagkwentuhan din si Governor Cherry sa mag-asawang Diaz at dito nga ay nabanggit nila ang pagkalugi ng kanilang tanim na sibuyas dahil sa army worm o harabas.
Kung nanaisin muli ng mag-asawang magtanim ng sibuyas ay sinabi sa kanila ng Gobernadora na tutulungan silang makipag-ugnayan sa OPA o Office of the Provincial Agriculturist para magabayan sila sa pagtatanim at makaiwas sa mga peste.
Kwento samin ni Aling Pina, alas tres ng hapon noong May 13 nang tumirik ang sinasakyang bus ng higit 60 katao sa tapat ng kanilang bahay, naawa aniya silang mag-asawa sa mga ito lalo pa’t ang ilan ay may mga kasama pang bata kaya inaya niya ang mga itong tumuloy muna sa kanilang tahanan.
Salat man sa buhay ay nagawa nitong mapakain at mapagkasya sa mga pasahero ang kanilang mga stock na pagkain tulad ng noodles, de lata at itlog.
Alas otso y medya na umano ng gabi nang dumating ang sasakyang sumundo sa mga pasahero na sa labis na katuwaan sa magandang loob ng mag-asawa ay pilit umanong nag-aabot ng kaunting halaga sa kanila bilang kabayaran sa pagpapakain sa kanila.
Ngunit hindi umano ito tinanggap ng mag-asawa dahil para sa kanila ang kusang loob na pagtulong ay walang hinihinging anumang kapalit.
Dagdag nito, hindi ito ang unang pagkakataon na tumulong silang mag-asawa dahil madalas aniyang may nadidisgrasya o may nasisiraan malapit sa kanila.
Sinabi pa nito na dahil sa pagkalugi nila ng isang daang libong piso na ipinangutang pa umano nila para sa kanilang sibuyas ay tila hindi na nito alam ang gagawin, kaya naman isang liwanag ang kaniyang natanglawan ng dumating si Governor Cherry at pagkalooban sila ng pangkabuhayan.
Nagpahatid din ng pasasalamat si Aling Pina kay Ian Brado, isa sa mga pasaherong tinulungan nilang mag-asawa na siyang nagpost sa facebook ng tungkol sa kanilang kabutihang nagawa.
Inaasahan na sa susunod na linggo ay ihahatid na mismo sa kanilang tahanan ang NEGOCART upang makapagsimulang magnegosyo.—Ulat ni Jovelyn Astrero