Palakasin ang malayang pamamahayag sa loob at labas ng eskwelahan, ito ang nagkakaisang damdamin ng anim na eskwelahan at ng National Union of Journalists of the Philippines-Nueva Ecija Chapter.
Sa pamamagitan ng pagbabasa ng kanya-kanyang statement ay isa-isang nagpahayag ang mga campus journalists at campus leaders ng kanilang saloobin kaugnay ng malayang pagbabalita, sa Post Celebration ng World Press Freedom Day.
Ito ay may temang Campus Media: Binhing Buhay ng Malayang Pamamahayag sa buong daigdig na pinangunahan ng NUJP-NE, sa pakikiisa ng mga campus journalists at leaders mula sa CRT o College of Research and Technology, Manuel V Gallego College, OLFU o Our Lady of Fatima University, NEUST o Nueva Ecija University of Science and Technology, Araullo University at ABE International.
Sa statement naman ng NUJP-NE, kaisa umano sila sa pagsusulong ng mga pundamental na prinsipyo ng malayang pamamahayag, sa pagsusuri ng kasalukuyang estado ng pamamahayag sa mundo, paglaban at pagtutol sa pag-atake sa mga mamamahayag sa bansa.
Dagdag dito, sa ilalim umano ng Administrasyong Duterte ay patuloy ang pamamaslang at pananakot sa mga mamamahayag kung saan nakapagtala ng walumpo’t limang kaso ang CMFR o Center for Media Freedom and Responsibility at NUJP mula June 30, 2016 hanggang May 1, 2018.
Nagmimistula umanong kaaway ng press freedom si Pangulong Duterte dahil pilit umanong pinatatahimik ang mga mamamahayag na maglabas ng katotohanan na kritikal sa kanyang administrasyon.
Kaugnay nito ay naninindigan ang NUJP-Nueva Ecija sa pagtatanggol sa karapatan ng mamamayan para sa malayang pamamahayag.
Inihayag ni Sonia Capio, NUJP-NE Chairman, ang pananagutan at papel ng mga mamamahayag kabilang na ang mga campus media sa taong bayan, ito ay ang pagbibigay ng tamang impormasyon at pagtatanggol sa demokrasya o kalayaan sa pamamahayag.
Bilang mga binhing buhay ng malayang pamamahayag ay inihayag din nito ang papel ng mga kabataan o campus media sa pagmumulat at paghahayag ng katotohanan sa publiko.—Ulat ni Jovelyn Astrero