Sinimulan na sa bayan ng Peñaranda ang isang linggong selebrasyon ng Flores de Mayo at ng kanilang 167th Founding Anniversary o Budang Festival 2018.

Iba’t-ibang aktibidad at palaro ang nakalatag para sa naturang anibersaryona binuksan nitong May 21.

Ayon kay Mayor Ferdinand Abesamis, ang kanilang Budang Festival ay isinasagawa upang itampok ang mga maipagmamalaking produkto ng Peñaranda.

Aniya noong mga nakaraang taon ay nagkaroon sila ng budang laking putong puti at budang laking rattan chair. Ngayon naman ay ibibida aniya nila ang kanilang livestock industry katulad ng poultry, piggery at iba pa.

Dagdag pa ng punong bayan, magkakaroon  sila ng display ng budang laking manok, baboy, baka at iba pa na gawa sa paper mache.

Pahayag pa ni Mayor Abesamis, may iba pang mga programa at patimpalak silang inihanda kagaya ng River Cross, Palarong Pambata, Karera ng Balsa, Karera ng Kinaban, harana, serenata, at ang street dancing na unang beses nilang isasagawa para sa Budang Festival.

Bukod pa rito nag-imbita rin sila ng brass bands para sa La Torre o ang pagbibigay pugay nila sa kanilang patron na si St. Francis of Assisi.

At kokoronahan din sa May 27 o sa huling araw ng selebrasyon ang Mutya ng Peñaranda.

Samantala, inaasahan naman ng mga residente rito na magiging masaya ang kapistahan sa kanilang lugar katulad ng mga nakaraang festival. Aniya, inaabangan nila ang mga palaro at mga paradang inihanda. –Ulat ni Irish Pangilinan