Nakatanggap ng liham mula sa Community Environment and Natural Resources Office na nakabase sa Lungsod ng Cabanatuan, na may petsang March 7, 2016 si Mayor Rolando Bue ng Bayan ng Gabaldon, na humihiling dito na bago mag-isyu ng Mayor’s Business Permit sa mga Furniture Makers ay siguraduhin munang may mga Lumber Supply Contract ang mga ito mula sa lehitimong pinagkukunan ng mga raw materials.

Pansamantalang itinigil ni Mayor Rolando Bue ng Bayan ng Gabaldon ang pag-iisyu ng Mayor’s Business Permit sa mga furniture makers hangga’t walang naipapakitang permit mula sa legitimate source ng mga raw materials.
Nakasaad sa liham na base sa imbestigasyon at beripikasyon ng naturang Tanggapan ay lumalabas na may mga Furniture Shops o Sash Factories ang nakakakuha ng Mayor’s Business Permit at DTI Registration ng walang legal sources.
Bilang pagtugon sa naturang liham ay pansamantala munang itinigil ng Mayor’s Office ang pag-iisyu ng Business Permit hangga’t hindi nabeberipika ang mga legal sources o legal na pinagkukunan ng mga punong kahoy na ginagamit sa paggawa ng mga muwebles o kasangkapan ng mga establisyemento.
Ayon kay Mayor Bue, agad silang tumalima sa sinasabi ng liham upang mapangalagaan ang kagubatan sa kanilang bayan.

Liham mula sa DENR para sa Punong Bayan ng Gabaldon na nagsasaad ng kondisyon bago mag-isyu ng Mayor’s Business Permit sa mga Furniture Shops.
Nasa labing syam na establisyemento ng mga muwebles ang mayroon sa bayan ng Gabaldon na pansamantala din umanong nakatigil sa operasyon.
Amin namang nakapanayam ang isa sa may-ari ng Furniture Making sa Gabaldon na si Dominador Vicencio, ayon sa kanya bukod tanging sya lamang ang naisyuhan ng permit ng kanilang Punong Bayan noong nakaraang taon dahil kumpleto ito ng mga hinihinging requirements upang makakuha ng permit sa Munisipyo.
Base sa sertipikasyon mula sa CENRO-Dingalan Aurora na ipinakita sa amin ni Vicencio, na may petsang February 5, 2016, nakasaad na nagdeliver sa AVV Furniture and Sash Factory na pag-aari nito ang Benson Realty Development Corporation ng 2, 563 piraso ng mga Gmelina flitches/lumber and sticks na hinarvest mula sa plantation area nito na nasa Brgy. Dikapinisan, San Luis, Aurora.
Ipinakita din nito ang kanyang hawak na Contract to Supply Lumber na may petsang March 11, 2016 na nakanotaryo sa Munisipyo ng Baliuag Bulacan, para sa pagsusuplay ng mga Dipterocarp Family o mga tropical lowland rainforest trees at Malaysian imported lumber ng Genelson Lumber and Hardware Corporation na may principal place of business operation sa J.P Rizal St., Tarcan, Baliuag, Bulacan para sa pag-aari nitong Furniture Shop. –Ulat ni Jovelyn Astrero