Labing anim na grupo ng mga estudyante sa Secondary o High School ang nakiindak sa ginanap na street dance competition o sa ikalawang taon ng “Bayle sa Kalye 2014”na bahagi ng DIC o Division Integrated Competition ng DEPED o Department of Education sa Palayan City noong martes.

Ayon kay MAPEH Supervisor ng Division of Nueva Ecija Charina Soge, isa lamang ang street dance na ito sa sabay-sabay na kompetisiyong idinaos sa lungsod ng Palayan.

Hindi lamang ang street dance ang pinakainabangan sa DIC dahil nariyan rin ang Pintahusay o Poster Making at Likhawitan at mas dumami pa umano ang mga sumali ngayong taon.

Kitang-kita ang galing ng mga estudyante at ganda ng mga costumes  at props na talaga namang makukulay at very creative.

Bawat kalahok ay nagmula sa iba’t-ibang National high schools sa buong division sa  lalawigan.

Sa huli, naiuwi ng T.A Dionisio National High School ang ikatlong pwesto, pangalawa ang Sta Rosa National High School at ang nagwagi sa kampeonato ang Macabaclay National High School.

Ang mga nagwagi partikular ang Macabaclay National High School ay nakatakdang mag perform sa September 1 sa pagdiriwang ng anibersaryo ng DEPED na gaganapin naman sa Palayan Convention Center.- Ulat ni Mary Joy Perez