Lungkot at pangungulila sa namayapang kapatid ang naramdaman  nina Braulio at Bonifacio Pascua matapos  ihatid sa huling hantungan ang mga labi ng singkwenta’y kwatro anyos na Kapatid na si Kapitan Beato Pascua kahapon May 29, 2019 sa Palayan City Public Cemetery.

Sa panayam ng TV48 sa bunsong kapatid nito na si Bonifacio, wala aniyang maipipintas sa ugali ng kapatid dahil napakabait umano nito  maging sa kaniyang mga nasasakupan. Hindi napaaway at wala ni isang naging kaaway ang kaniyang kapatid.

Panawagan naman ng nakakatandang kapatid na si Braulio sa mga pumaslang sa kapitan, hustisya sa lalong madaling panahon. Usigin aniya ng konsensya dahil ipinagpapasa-Diyos na lang nila ang mga nangyari.

Inalala naman ni Amalia Mongaya kung gaano kabait na kaibigan, mabuting haligi ng Barangay at Responsableng Ama at katrabaho si kapitan Beato.

Nagpaabot  naman  ito ng mensahe ng  pakikiramay sa naulilang pamilya ng pinaslang na Punong Barangay.

Maalalang, Pinagbabaril  si Kapitan Pascua  sa mismong tahanan nito sa Brgy. Ganaderia, Palayan City noong  May 21, 2019 alas nueve ng umaga gamit ang isang caliber 9mm.

Isinugod pa ang biktima sa Integrated City Health Center ng Palayan ngunit idineklarang dead on arrival.

Nahuli naman ang pangunahing suspek na si Carlito Reyes y dela Cruz alyas Jonjon, trenta’y singko anyos mula barangay Pula, Talavera sa isinagawang operasyon ng kapulisan noong May 22, 2019  sa Camella Homes, Valle Cruz, Cabanatuan City.-Ulat ni GETZ RUFO ALVARAN