Kayang-kaya umanong maiwasan na magkasakit ng diabetes kung mapipigilan ang mga sanhi nito; ang KKK o katakawan, katabaan at katamaran.
Sa ikadalawampo’t pitong Diabetes Awareness Week, binigyang diin ang pagpapahalaga sa wastong pagkain, pagpapanatili ng tamang timbang at regular na pag-eehersisyo upang labanan ang naturang sakit.
Kaugnay nito, nagbigay ng libreng test sa blood sugar, cholesterol, uric acid at iba pa sa mahigit kumulang tatlong daang benepisyaryo na ginanap sa main atrium ng N.E Pacific Mall, Cabanatuan city.
Ayon kay Dr. George Tan, dalawampong taon nang ginagawa ng Philippine Center for Diabetes Education Foundation Incorporated ang nasabing aktibidad, dito sa lalawigan katuwang nila ang American Association of Clinical Endocronologists- Philippine Chapter, Philippine Nurses Association at Order of the Amaranth.

Ilan sa mga sintomas ng pagkakaroon ng diabetes ang madalas na pag-ihi, pagkauhaw at pagbaba ng timbang, gayundin ang pagkakaroon ng langgam sa ihi.
Mayroong apat na uri ng diabetes mellitus; type 1 na nakikita sa mga bata, type 2 na kalimitan ay sa mga matatanda, gestational na nangyayari sa mga buntis, at ang monogenic diabetes na karaniwang namamana.
Ang mga prediabetic patient naman ay may pag-asa pa umanong maging normal ang blood sugar sa pamamagitan ng pagbabago ng lifestyle at pagbabawas ng stress.
Hanggang sa ngayon ay wala pang natutuklasang gamot para malunasan ang sakit na diabetes kundi mga pangkontrol lang kaya payo ni Dr. Michael Gan mas mainam nang iwasan ito sa tulong ng masusustansiyang pagkain at pag-ehersisyo ng apat na minuto araw-araw.- ulat ni Clariza de Guzman