Simula ng masawi ang kaniyang sampung taong gulang na bunsong anak na si Erico Leabres matapos maturukan ng Dengue Vaccine o Dengvaxia ay hindi na mapawi ang pangamba ni Leny Leabres na baka maulit ang senaryo sa kaniyang trese anyos na panganay na anak na nakakumpleto ng bakuna.
Bagaman wala pang iniindang karamdaman ang panganay nitong anak ay hindi pa rin mapawi sa kanyang isipan na matulad ito sa nakababatang kapatid.
Sa kuwento sa amin ni Leny, sabay na naturukan ng bakuna ang dalawa niyang anak noong May 05, 2016, kapwa Grade 4 student ng sapang buho Elementary School, Palayan City, Nueva Ecija.
Ngunit, matapos ang dalawang buwan ay nakaramdam ng pananakit ng ulo at tiyan si Erico. Makalipas pa ang dalawang linggo ay binawian na ito ng buhay.
Base sa rekord ng bata, ang dahilan ng kaniyang pagkamatay ay cardiac arrest at sepsis.
Pero hinala ni Leny, may kinalaman sa dengvaxia ang naging pagkamatay ni Erico, lalo’t lumaki umano itong malusog.
Kaya nito lamang February 07, 2018, hindi na siya nagdalawang isip na ipahukay ang bangkay ni Erico upang isalang sa Forensic Examination ng Public Attorney’s Office (PAO).
Desidido ang pamilya Leabres, na papanagutin ang mga responsable sa pagkamatay ng kaniyang bunsong anak
Kapag napatunayan na may kinalaman ito sa naiturok na Dengvaxia. –Ulat ni Danira Gabriel