Ginagamit ngayon sa Philrice ang naimbentong rice hull carbonizer upang subukan ang kakayahan nitong makalikha ng init at uling na mula sa ipa ng palay.

Ayon kay Dr. Ricardo Orge, ang nasabing carbonizer   ay isang aparato kung saan sinusunog ang ipa ng palay para maging carbonized rice hull o uling.

Dalawang rice hull carbonizer ang kasalukuyang tinetesting sa Philrice, ang isa ay nakakonekta sa oven ng canteen na nagagamit sa pagluluto, habang ang isa pa ay nakakabit sa makina na ginagamit sa pasteurization ng mushroom fruiting bags.

Kabilang ang nasabing imbensiyon sa mga kinilala ng Intellectual Property Office of the Philippines na nag-gawad ng “Anak ni Juan” award sa Philrice bilang ahensiya na may pinaka maraming inaplayan at naaprubahang patent noong 2014 na lahat ay rice related technologies.

Ipinagmamalaki ng Intellectual Property Management Manager ng Philrice na si Jerry Serapion, ang natanggap na award na patunay aniya ng pagiging malikhain ng kanilang mga scientist at researchers.

Sa kasalukuyan ay nasa merkado na umano ang teknolohiya ng rice hull carbonizer at dahil protektado na ito ng patent ay nakikinabang na ang Philrice sa royalties na nakukuha sa paggamit nito.-  Ulat ni Clariza de Guzman