Buwena manong karangalan ang nakamit ng Pamahalaang Lungsod ng Gapan dahil sa kanilang pagpapahalaga sa mga kabataan sa 2017 Seal of Child Friendly Local Governance ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Mula sa dalawampu’t siyam na mga bayan at lungsod na pumasa sa kategorya ay nanguna ang naturang lungsod sa 93 na grado.

Ayon kay Mayor Emerson “Emeng” Pascual, ito ay patunay lamang ng kanilang sipag sa pagseserbisyo sa mamamayan.

Matatandaan na kamakailan ay isa ang Gapan sa pinarangalan ng prestihiyosong award ng dilg bilang 2017 Seal of Good Local Governance.

Bukod pa na ito ang tinaguriang Safest City sa buong lalawigan ng Nueva Ecija. Isama pa, ang natanggap niyang 2017 Most Outstanding Local Government Official LGU in the Philippines.

Aniya, sampung porsyentong talino at nobenta porsyentong puso sa paglilingkod ang sikreto ng sunod-sunod na pagkilala sa lokal na pamahalaan.

Sa dami aniya ng mga magandang pagbabago sa lungsod ay sinusuguro ng Alkalde na marami pang programa at proyekto ang dapat abangan ng Gapanense.

Kagaya na lamang ng Gapan City College, Botika, Mobile Hospital, Dental Bus at ang binubuong pinakabagong atraksiyon ng siyudad na “Sky Eye” na may taas na 16 palapag na maihahalintulad sa MOA na matatagpuan sa Lungsod ng Pasay.

Pangako ni Mayor Pascual, lahat ng programa ay nakalaan para sa tunay na ikabubuti at ikauunlad ng lungsod ng Gapan. – Ulat ni Danira Gabriel