Huling linggo na ng pasahan ng mga requirements para sa aplikasyon ng Special Program for Employment of Students o SPES na tatagal na lamang hanggang Biyernes, ika-2 ng Pebrero.

Ang naturang programa ay pinangungunahan ng Public Employment Service Office o PESO Nueva Ecija katuwang ang Department of Labor and Employment o DOLE kung saan binibigyan ng pagkakataon ang mga estudyanteng may edad labinlimang taon hanggang tatlumpu’t taon na makapagtrabaho sa summer vacation. Layunin ng programang ito na matulungan ang mga estudyante sa mga pinansyal na pangangailangan sa paaralan at mahubog ang kanilang mga kakayahan, ayon kay Maria Luisa Pangilinan, Manager ng PESO-NE.

Ang mga matatanggap na SPES beneficiaries ay papasok ng dalawampung araw at maaaring kumita ng mahigit P9,000 kung saan ang 60% nito ay mula sa pamahalaang panlalawigan habang mula naman sa DOLE ang 40% ng kanilang sahod. Sila ay maa-assign sa mga trabaho katulad ng office works sa  iba’t-ibang opisina ng provincial government.

Ayon pa sa PESO, limited na lamang ang mga slots para sa SPES Benefeciaries pero maraming aplikante na ang nagtungo sa kanilang opisina kaya naman magiging mahirap aniya ang pagpili sa mga ito.

Iminungkahi nito na magpunta rin sa mga kani-kaniyang munisipyo dahil nakakalat ang naturang programa ng DOLE sa mga munisipalidad at lungsod kagaya ng San Jose City na magsisimula pa lamang tumanggap ng SPES Applicants sa ika-1 ng Pebrero. –Ulat ni Irish Pangilinan