Mahigpit na tinututulan ni Cabanatuan City Vice Mayor Anthony Umali ang balak na muling pangungutang ng City Government na di umano ay aabot sa tumataginting na P1.2 Bilyon.

Matatandaan na pinagtalunan ng mga miyembro ng sanggunian sa nakaraang Regular Session ang panukalang pag-apruba ng resolusyon na nagbibigay permiso kay Mayor Jay Vergara na pumasok sa isang kasunduaan upang umutang sa mga bangko.

Ayon sa Pangalawang Punong Lungsod, ang malaking tipak ng halagang mauutang ay planong gamitin bilang pandagdag na pondo sa Earth Dike.

Ang Earth Dike na wala aniyang kasiguraduhan na talagang solusyon laban sa pagbaha ng lungsod.

Pagtataka niya, kung bakit matindi ang pagnanais ng Punong Lungsod na manghiram ng pera. Samantalang, hindi pa nauubos ang P158 Milyon na 2017 Supplemental Budget at kakaapruba lamang ng P1.5 Bilyon na Annual Budget for 2018 ng lungsod.

Dagdag pa rito, ang katotohanan na ang mga Cabanatueño ang siguradong papasan at sasalo nito.

Kung sakali mang mag loan ang Pamahalaang Lungsod, suhestiyon niya, igugol sa mga pangunahing pangangailangan ng taong bayan ang bilyong halaga at huwag ibuhos sa mga imprastraktura.

Paninindigan ng Bise Alkalde, kapakanan ng tao ang kaniyang ipinaglalaban hindi ang ibinibintang ng kaniyang mga kalaban na politika ang rason ng hindi nito pagsang-ayon.

Aniya, panahon na upang malaman ng Cabanatueño ang katotohanan sa likod ng mga kasinungalingan.

Naniniwala si VM Umali, na bitin man ang bilang ng konsehal na sumusuporta sa kaniya sa Sanggunian. Mamamayan naman ang magtatanggol sa prinsipyong kaniyang pinapairal. –Ulat ni Danira Gabriel

https://youtu.be/QTRStEjjClE