Base sa Comparative Crime Statistics na iprenisinta ni Regional Director Chief Superintendent Amado Corpus sa harap ng media, mula sa limang daan pitumpo’t limang (575) kaso ng theft o pagnanakaw na naitala noong 2016 sa Lalawigan ng Nueva Ecija ay bumaba ito sa apat na raan tatlumpo’t pito (437) noong 2017.

Sa index crimes o 8 focus crimes sa lalawigan ang theft ang may pinakamataas na bilang ng kaso, pumapangalawa ang Physical Injury na may naitalang apat na raan pitumpo’t walong (478) kaso noong 2016, na natapyasan ng tatlumpu’t anim na kaso noong 2017 na umabot sa apat na raan apatnapu’t dalawa (442).

Bumulusok naman ng 33.33% ang kaso ng murder mula sa dating 240 kaso ay umabot na lamang ito sa 160 kaso.

tatlong daan limampu’t siyam (359) na kaso ng robbery o panloloob noong 2016 ay nabawasan ito noong 2017 ng tatlumpu’t anim (36) at umabot na lamang sa tatlong daan dalawampu’t tatlo (323).

Mula naman sa naitalang kaso ng rape na umabot ng dalawang daan at apat (204) noong 2016 ay nasa isang daan walumpo’t apat (184) na lamang ang naitala noong 2017.

Mababa man ang naitalang kaso ng carnapping noong 2016 sa probinsya na nasa dalawampu’t isa (21) ay nagawa pa ring mapaliit sa anim (6) ang bilang ng kaso na ito noong 2017.

Bumaba din ang kaso ng homicide mula sa tatlumpu’t apat (34) na kaso ay nasa dalawamput siyam (29) na lamang ang naitala noong 2017.

Bumagsak din ang kaso ng motornapping sa probinsya, mula sa dalawang daan walumpu’t lima (285) kaso noong 2016 ay lumiit ang bilang nito sa dalawang daan animnapu’t pito (267) noong 2017.

Ayon kay RD Corpus, ang pagbaba ng walumpo sa murder incidents sa lalawigan ay isang remarkable o pambihirang accomplishment ng probinsya. – Ulat ni Jovelyn Astrero