Inireklamo ng isang ginang ang ginagawang gabion dike sa barangay Calabasa bayan ng Gabaldon. Proteksyon sana ito para hindi matibag ang mga bukirin sa tabi ng ilog, ngunit nilampasan ng contactor ang kanyang lupa kaya na washed out ang kanyang pananim nang dumaan ang kalamidad.
Panlulumo ang nadarama ni Diwata Arcanghel nang malugi ng mahigit kumulang apatnapong libong piso sa tanim na ampalaya na kasamang nalusaw ng kanyang bukid noong buwan ng December, 2017.
Ayon kay Arcanghel, Oktubre nang simulang itayo ang gabion dike sa katabi ng kanyang lupa. Ang ipinagtataka nya ay kung bakit hindi idinugdog ang bagong proyekto sa kaparehong dike na noong taong 2014 pa inilagay na pangharang sa kanyang bukid na tinutumbok ng tubig ng ilog.
Dahil sa kanilang kubo naninirahan ang mga trabahador ay hiniling niya sa foreman na isama ang kanyang lupa sa tatayuan ng gabion na nangako namang gagawin ito. Ngunit nagulat na lamang siya nang biglang itigil ang pagawaing proyekto, at nang mag-uulan ay natibag na ang kanyang lupa.
Dahil dito, nagtanung-tanong ang ginang kung sino ang may-ari ng proyekto, ang sagot aniya ng ilang manggagawa ay kay Congressman Rossana “Ria” Vergara ang proyekto, maging sa ipinamudmod na dyaryong “Kalinga” ay nakita nya rin ang gabion na tila si “Ria” Vergara ang lumilitaw na nagpagawa nito.

Natibag umano ang lupa ni Diwata Arcanghel nang mag-uulan noong December 2017 dahil hindi ito nilagyan ng gabion dike.
Gumawa umano siya ng pormal na liham para kay Vergara at nagpatulong pa sya sa mga kaalyado nitong Konsehal ng Bayan na idulog ang kanyang problema, pero wala pa ring nangyari.
Nang magkaroon ng gift giving program ang provincial government ng Nueva Ecija buwan pa rin ng Disyembre, kwento ni Diwata, personal nyang sinabi kay Governor Czarina “Cherry” Umali ang reklamo.
Napag-alaman na walang proyektong gabion ang pamahalaang panlalawigan sa lugar nila dahil sakop ito ng Department of Public Works and Highways at si G. Daniel Pamintuan ang contractor nito.
Sa pag-iimbestiga ng Balitang Unang Sigaw, nadiskubre na Butil Partylist ang nagpondo sa gabion dike project sa Calabasa, taliwas sa sinabi ng mga tauhan ng kontratista at ibig ipahiwatig sa ipinakalat na dyaryong “Kalinga”.
Kinumpirma naman ito ng DPWH 2nd Engineering Office. Ayon kay Eduardo Hernandez, Project Engineer, pinondohan ng Butil na nagkakahalaga ng Php20-Million ang proyekto na may habang 459 linear meters. Naantala umano ang pondo nito dahil imbes na diretso ito sa kanila ay idinaan pa sa kanilang Regional Office sa Pampanga.
Kinuha rin namin ang panig ni Pamintuan, ipinaliwanag nito na kasama talaga sa proyekto ang lupa ni Diwata ngunit hindi nya ito doon pinasimulan dahil malalim ang tubig sa ilog. Inamin din nito na na maaga nyang inumpisahan ang proyekto bagaman wala pang pondo.
Samantala, patuloy pa ring sinisiyasat ng team ng Balitang Unang Sigaw kung kanino ang mga pagawaing proyekto sa ikatlong distrito ng lalawigan. – ulat ni Clariza de Guzman