Sinalag ni Cabanatuan City Vice Mayor Anthony Umali ang paliwanag umano ni Mayor Julius Caesar Vergara sa nakaraang flag raising ceremony na maibibigay ang 3rd  tranche salary increase ng mga City Government Employees sa 1st o 2nd quarter ng taon kung magbabayad ng buwis ang CelCor at FCVC.

Giit ng Bise Alkalde, ayon sa Local Government Code, nakasaad sa paragraph G ng section 325 o General Limitations na walang dahilan upang hindi agad maibigay ang dagdag sweldo ng mga empleyado dahil nakasaad sa batas na obligado itong ibigay sa kanila o  “The creation of new positions and salary increases or adjustments shall in no case be made retroactive”.

Dagdag pa ni Vice Mayor Umali, inilalaban niya ang salary increase hindi para sa kanyang sarili kundi para sa mga empleyado ng lungsod. Aniya, ang karagdagang limangdaang pisong sahod para sa isang simpleng empleyado ay malaking tulong para sa pamilya nito.

Samantala, matatandaan na nadiskubre ng sangguniang panglungsod ang sobrang pondo ng city government sa annual budget para sa taong 2018 na nagkakahalaga ng halos apat na pu’t limang milyong piso.

Kabilang dito ang P32-M na sobrang pondo na gagamiting pambayad sa Land Bank of the Philippines bilang advance payment sa 2019 upang makadiskwento ng walong milyong piso sa interes ng utang ng lungsod para sa taong 2018.

Giit muli ng bise alkalde, walang naipakitang certificate na nagpapatunay na magkakaroon ng P8-M discount kapag nakabayad ng maaga at hindi naipaliwanag ng mabuti ng finance committee ang iba pang mga detalye.

Hiling naman ni Vice Mayor Umali, na maliwanagan aniya ang taong bayan at ang namumuno rito na ibigay ang para sa mga tao. Marapat aniya magkaroon ng malasakit sa paglilingkod. –Ulat ni Irish Pangilinan

https://youtu.be/v0jGv2IWLUk