Matapos ang isinagawang groundbreaking ng lupang pinagtatayuan ng Molecular Laboratory na nasa compound ng San Jose City General Hospital noong June 21, 2022 ay inaasahang mapakikinabangan na ito sa loob ng limampong araw o kulang tatlong buwan.
Ayon kay Dra. Josefina Garcia, Chief Officer ng Provincial Health Office, isa sa pinangarap ni Governor Aurelio Umali para sa lalawigan ng Nueva Ecija ang magkaroon ng Molecular Laboratory kaya naman sa pamamagitan ng Department of Health na nagbigay ng Php18 million ay kasalukuyan na itong itinatayo sa naturang lungsod.
Ang Php10 million sa pondong ito ay inilaan sa konstruksyon ng gusali habang ang Php8 million naman ay para sa mga equipment at bilang counterpart ng pamahalaang panlalawigan ay naglaan din ito ng pondong aabot sa Php6-7 million na karagdagang panggastos para sa mga equipment ng laboratoryo.
Sinabi ni Dra. Garcia na isa sa kinaharap na suliranin ng probinsya noong magsimula ang COVID-19 ay ang mapagdadalhan ng mga specimen ng mga may sintomas ng naturang sakit na ipinadadala pa noon sa Pampanga at Tarlac City.
Aniya, inanunsyo na ng DOH noong June 24, 2022 na ang COVID-19 ay hindi na pandemic kundi endemic na, nangangahulugan na ang naturang sakit ay palagi ng nariyan.
Ang pagtatayo ng laboratoryong ito ay isang paraan na rin aniya ng lalawigan upang maging handa at agad na masuri ang mga taong mayroong sintomas ng sakit at hindi na makapanghawa pa ng kanyang mga kapamilya.
Nais din daw Governor Oyie na makapagpatayo ng Diagnostic Laboratory sa San Jose City at hinihintay pa ang pondong ini-request nila sa DOH para sa pagsasakatuparan nito kung saan handa pa rin ang provincial government na maglaan din ng dagdag na pondo bilang counterpart dito.