Labis na pasasalamat ang ipinabatid ng BAKMAL Irrigators Association at Centralize Brgy. Burgos Farmers Association kay Department of Agriculture Sec. Manny Piñol sa katuparan ng kanilang kahilingang mapagkalooban ng Reaper Harvester, at sa Pamahalaang Panlalawigan na naging daan upang maipamahagi sa mga ito ang mga naturang makinarya sa bukid.
Ang dalawang Reaper Harvester na ito ay bahagi ng P20M halaga ng makinarya at ayuda na ipinangako ni Sec. Piñol sa mga magsasaka ng Nueva Ecija sa kanyang pagdalo sa isinagawang Agricultural Summit sa pangunguna ni Governor Czarina Umali na nagsusulong na maging Agri-Industrial Province ang Nueva Ecija.

Naipamahagi na sa BAKMAL Irrigators Association ng Bayan ng Talavera at Centralize Brgy. Burgos Farmers Association ng Bayan ng Carranglan sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ang Reaper Harvester na ipinangako ni DA Sec. Manny Piñol.
Hiniling ng dalawang nasabing asosasyon ang reaper harvester kay Sec. Piñol bunsod ng pangamba ng mga ito sa maaaring pagdapa o pagkasira ng kanilang mga pananim sa panahon ng mga kalamidad.
Para sa kanila, makatutulong ng malaki sa kanilang mga bukirin ang reaper harvester sa panahon ng anihan lalo na kung halos sabay-sabay ang gapasan.
Mahigit dalawang daang miyembro ng BAKMAL IA at mahigit isang daang magsasaka ng Centralize Brgy. Burgos Farmers Association ang pangunahing makikinabang sa mga combine harvester na ito.
Ayon kay Eduardo Selispara, Pangulo ng BAKMAL IA, walang pagsidlan ang kanilang kaligayahan sa pagkakaloob sa kanila ng Department of Agriculture ng ganitong uri ng makinaryang pambukid na malaki ang maitutulong sa kanilang samahan.
Sinabi naman ni Lary Teodoro, Pangulo ng Centralize Brgy. Burgos Farmers Association, na ito ang kauna-unahang reaper harvester sa kanilang lugar, na kanila ding gagamitin sa paghahanap buhay. -Ulat ni Jovelyn Astrero