Sa paghaharap kahapon nina Governor Cherry Umali at ni Karen Rodriguez, ang Novo Ecijanong OFW sa bansang Jeddah na natulungang mapauwi ng Malasakit OFW Program, ay ikinuwento nito ang kanyang pangit na karanasan sa kamay ng mag-asawang among arabo.

Hindi sapat na pagkain, sobrang pagtatrabaho, masasakit na salita, panghahamak, mura at pananampal, ilan ito sa ibinahagi ni Karen na dinanas sa mahigit isang buwan sa Jeddah.

Ayon kay Karen, dahil sa kagustuhan na makapagpundar ng bahay at lupa para sa kanyang apat na anak at asawa ay naengganyo itong makipagsapalaran sa ibang bansa nang may mag-alok sa kanya na magtrabaho doon.

Ngunit pagdating doon ay hindi naging maganda ang pagtrato sa kanya ng mga amo. Kwento pa niya, bago makuha ang isang buwang sweldo ay nakatikim pa ito ng dalawang sampal mula sa among babae.

Dahil sa takot sa maaari pang danasin sa kamay ng mga amo ay humingi na ito ng saklolo sa asawang nandirito sa Pilipinas, na lumapit naman sa Malasakit OFW Help Desk ng Pamahalaang Panlalawigan.

Dahil sa agarang koordinasyon sa mga ahensyang maaaring makatulong sa suliranin ni Karen ay matagumpay at ligtas itong nakauwi ng bansa noong December 14, 2017.

Bilang tulong sa pamilya ni Karen ay handa namang magbigay ng financial assistance ang Provincial Government upang mailakad nito ang livelihood assistance na ini-aplay sa OWWA.

Sa kabila ng pangit na karanasan sa Jeddah ay hindi naman nawalan ng lakas ng loob si Karen na muling makapangibang bansa para sa pangarap na bahay at lupa.

Hindi na rin nito pinalampas ang pagkakataon na makapagpasalamat sa Gobernadora at sa naturang programa.—Ulat ni Jovelyn Astrero