Bakas sa mukha ni Romina Mariano Jose, bente uno anyos, ang nadaramang sakit sa kanyang kaliwang paa matapos mahulog sa sinasakyang Tricycle at masagasaan pa ng rumaragasang Van habang paninikip at pananakit ng dibdib naman ang iniinda ni Renz Luis Torres, bente kwatro na lulan ng single na motor matapos na magsalpukan ang sinasakyan ng mga ito sa Brgy. Liwayway sa Bayan ng Sta. Rosa, kahapon, bandang ala una bente ng hapon.
Nadatnan ng Balitang Unang Sigaw News Team si Renz na nakahandusay sa kalsada at hindi makatayo dahil sa naninikip nitong dibdib, samantalang isang sundalo naman ang naglagay ng kahoy sa magkabilang gilid ng kaliwang binti ni Romina bilang first aid.
Dahil bihira lamang ang mga sasakyang nagdaraan sa naturang lugar ay isinakay na ng aming team ang dalawa at dinala sa PJG Hospital upang malapatan ng lunas.
Habang nasa byahe ay iniinda ni Renz ang kanyang dibdib, ulo at pamamanhid ng kaniyang kanang kamay. Panay din ang paghingi nito ng pasensya kay Romina dahil sa nangyari.
Ayon sa panayam sa pamangkin ng babaeng biktima na si Hershey Mahilaga na kasama din sa aksidente at nagtamo ng bukol sa kaliwang bahagi ng kilay, papauwi na sila galing sa pamamalengke ng makasalubong nila at umagaw sa kanilang linya ang single na motor na minamaneho ni Renz kaya ito sumalpok sa lulan nilang Tricycle.
Sa kabila ng parehong mabagal na takbo umano ng dalawang sasakyan ay nayupi ang harapang bahagi ng Tricycle dahil sa aksidente. Nang mahulog mula doon si Romina, ay nasagasaan pa ito ng umovertake na kulay puting van at mabilis umanong lumayo sa naturang lugar kaya hindi nakuha ang plate number.
Ayon naman kay Renz, pauwi na ito sa kanilang opisina sa San Leonardo galing sa Bayan ng Laur at nang makarating sa Brgy. Liwayway ay napuwing aniya ang dalawa nitong mga mata at pagdilat nito ay nasa kabilang linya na siya.
Panawagan ni Romina sa driver ng van na sana ay lumitaw ito at tulungan sila sa pagbayad sa magiging gastusin sa Hospital.—Ulat ni Jovelyn Astrero