Nagbunyi ang lahat ng mga estudyante, magulang, guro at empleyado ng College of the Immaculate Conception, dito sa Cabanatuan City, sa taunang paggunita sa kapistahan ng Immaculada Conception kung saan ay isinabay din ang pagkakaroon ng kauna-unahang Korona Festival.
Nagsagawa ng isang banal na misa na pinangunahan ni Bishop Sofronio Bancud kasama sina Rev. Fr. Jose Elmer Mangalinao, Rev. Fr. Elmer Villamayor, Rev. Fr. Luke Gallego, Rev. Fr. Sedsrey Calderon at Rev. Fr. Noel Jetahobe.
Kaalinsabay ng pagdiriwang, ayon kay rev. Fr. Jose Elmer Mangalinao, kasalukuyang presidente ng naturang institusyon, ito ang unang taon na nagkaroon ng Korona Festival sa naturang paaralan, kung saan nagsuot ang mga estudyante at kawani ng kanilang paaralan ng korona bilang pagbubunyi kay Maria.
Dagdag pa niya, ang Korona Festival ay ang pagkilala kay Maria bilang reyna ng mundo.
Sinabi din ni Fr. Mangalinao, ang kapistahang ito ay dakila dahil ito ang araw ng simula ng paghahanda kay Maria , ng paglilihi sa kanya bilang magiging ina ng ating Panginoong Hesukristo kung kaya’t tinagurian siyang babaeng walang bahid kasalanan o Immaculate Conception.
Mensahe ni Fr. Mangalinao sa mga mananampalatayang Katoliko, na laging isabuhay ang aral ni Maria, magkaroon ng bukal na puso para sa kapwa.-Ulat ni Jessa Dizon