Nakabinbin sa Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan ang pagpasa ng ordinansa sa pagbuo ng departamento ng Cabanatuan City Information and Tourism Office. Ayon kay Kon. Nero Mercado at Kon. Gave Calling hindi pa nakakapagsumite ng mga kinakailangang dokumento ang naturang dibisyon.
Kinontra nina Kon. Nero Mercado at Kon. Gave Calling ang mosyon ni Kon. Froilan Valino na magpasa ng ordinansa ang Sanggunian Panlungsod, hinggil sa kahilingan ni Mayor Jay Vergara na opisyal ng gawing departamento ang merge division ng City Information and Tourism Office ng Cabanatuan City.
Ito ay kaugnay sa naunang liham ni Mayor Vergara na humihiling na magpasa ng resolusyon ang Sanggunian para sa kumpirmasyon ng plantilla position ni Francis Aldwin Balaria bilang City Government Department Head I ng City Information and Tourism Office.
Ayon kay Kon. Calling at Kon. Mercado, hindi pa nakakapagsumite ng mga kailangang dokumento ang naturang dibisyon.
Sa pangalawang pagkakataon ay muling iginiit ni Kon. Valino ang kaniyang mosyon.
Matapos ang mosyon ay humiling ng 2 minutes recess si Kon. Mario Seeping. Nagsilbing pagkakataon naman ito upang malapitan at makausap ni SP Sec. Atty Norberto Coronel si Kon. Valino.
Matapos bumalik sa regular na sesyon ay hiniling ni Kon. Valino na alisin sa record ang lahat ng kaniyang mga inihayag.
Samantala, sa pamamagitan ng mosyon ni Kon. Mercado ay ni-request nito na mailipat sa pag-aaral ng Committee of Good Government ang naturang sulat.
Nilinaw din ni Kon. Mercado na ang pagkaantala ng pagpasa ng ordinansa ay hindi makakaapekto sa papalapit na selebrasyon ng Banatu Festival na hinahawakan ng City Information and Tourism Office.
Sa darating na Huwebes, January 26, 2017, alas nuwebe ng umaga, nakatakdang ganapin ang Committee Hearing kaugnay ng naturang liham. –Ulat ni Danira Gabriel