Kapihan kasama ang lahat ng media personnel sa Hapag Vecinticos, SM Megacenter

Tinalakay ng Department of Trade and Industry sa ginanap na Kapihan with the Media ang mga Suggested Retail Price ng mga puting kandila dahil sa nalalapit na undas.

Sinabi ni Romeo Eusebio E. Faronilo ng Consumer Protection Division ng DTIi-Nueva Ecija, kung pagbabasehan ang Suggested Retail Price ng mga puting kandila noong nakaraang taon ay halos wala itong ipinagbago sa inilabas nilang presyo ngayong taon.

Romeo Eusebio E. Faronilo at Brigida Pili, masayang tinalakay sa kapihan ang mga usaping patungkol sa DTI

Nilinaw ni Faronilo, na tanging mga suggested retail price lamang ng mga puting kandila ang inilabas nila sa kasalukuyan at hihintayin pa ang suggested retail price para naman sa mga decorative o mga may iba’t ibang kulay at scents na mga kandila.

Mas mahal umano ito ng kaunti kumpara sa mga puting kandila na karaniwang binibili ng mga consumers.

Aabot sa tatlumpo’t dalawang piso hanggang 136.50 ang presyo ng mga puting kandila na mabibili sa mga mall at suking tindahan sa palengke.

Samantala, kaugnay nito ay bahagya namang nagtaas ng presyo ang mga canned goods gaya ng Argentina corned beef, Argentina meat loaf, Argentina beef loaf at  iba pa.

Ayon kay Faronilo, tumaas ang mga canned goods bunsod ng paghina ng piso kontra dolyar at pagtaas ng karne ng baka.

Nasa bente singko hanggang singkwenta centavos ang itinaas ng mga canned goods, bagay na hindi naman umano masyadong mabigat para sa mga mamimili, dagdag pa nito.

Pinayuhan naman nito ang publiko na habang maaga pa ay bumili na ng mga canned goods habang kaunti pa lamang ang itinaas ng presyo nito, dahil anumang oras ay maaari umano itong tumaas pa.

-Ulat ni Getz Rufo Alvaran