Layuning mapaunlad ang turismo ng lalawigan, ito ang isa sa mga tungkuling sinumpaang gagampanan ng mga bagong opisyal ng Nueva Ecija Tourism Council at Nueva Ecija Council for History, Culture and the Arts sa ginanap na oath taking ceremony noong October 17 sa Old Capitol Compound, Cabanatuan City.

Pinangunahan ni Provincial Administrator Alejandro Abesamis ang oath taking ng mga bagong opisyal ng Nueva Ecija Tourism Council.
Ayon sa Chairman ng NETC na si Cristina Rodriguez, pagtutuunan ng pansin ng kanilang opisina at ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Gov. Czarina “Cherry” Umali ang apat na kategorya ng turismo sa Nueva Ecija.
Kabilang dito ang Farm o Agri Tourism dahil hindi maikakaila ang malalawak na bukirin at dairy farm sa probinsya. Mayroon din aniyang Eco Tourism, sapagkat marami ring ilog at kabundukan ang lalawigan kasama ang mga katutubong Dumagat na nangangalaga rito.
Kasama rin ang faith tourism at ang history sapagkat iba’t-ibang makasaysayang lugar at pangyayari ang taglay ng Nueva Ecija.
Sinabi naman ni Lorna Mae Vero, Supervising Tourism Operations Officer, isa pang layunin ng pagsusulong ng turismo ay ang pagkakaroon ng oportunidad para sa hanap-buhay ng mga Novo Ecijano.

Nanumpa ang mga bagong opisyal ng Nueva Ecija Tourism Council at Nueva Ecija Council for History, Culture and the Arts sa kanilang tungkuling isulong at linangin ang kasaysayan, kultura at sining ng lalawigan.
Samantala, ayon sa Vice Chairman ng NECHCA na si Armando Giron, bibigyan pansin din nila ang sining at kasaysayan ng lalawigan sa pamamagitan ng paglikha ng mga obra sa pagpinta.
Dagdag pa ni Giron, iikutin nila ang iba’t-ibang panig ng lalawigan upang malinang at maibahagi ang iba pang mga atraksyon at kultura ng mga tao rito. – Ulat ni Irish Pangilinan