Masustansyang sopas at juice ang pinagsaluhan sa recess time ng higit pitong daang mag-aaral mula sa Brgy. Sinipit Elementary School at Jose Rico Cruz Elementary School ng Brgy. Sta. Inez sa Bayan ng Cabiao, hatid ng Kitchen on Wheels ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija.
Ayon kay Dr. Jerwin S. Galang, Principal ng Jose Rico Cruz Elementary School, maililinya ang kanilang eskwelahan sa mga mahihirap na paaralan na may isang daan at walumpu’t dalawang populasyon mula Kindergarten hanggang Grade 6 at sampo hanggang labing limang porsyento ng mga ito ay underweight o kulang sa timbang.
Dagdag ni Dr. Galang, dahil sa hirap ng buhay ay kalimitan na pumapasok ng walang baon ang ilan sa kanilang mga estudyante, kaya naman malaking bagay aniya ang programa ng Provincial Government para sa kanilang mga mag-aaral.
Bunsod ng sitwasyon ng ilang mga mag-aaral na walang sapat na nutrisyon, hiling ni Dr. Galang na sana’y maging regular na ang pagpapakain ng sopas at juice sa bawat bata sa mga pampublikong paaralan sa Lalawigan upang masustenahan ang kanilang kalusugan.
Malaki ang epekto ng kawalan o kakulangan ng nutrisyon sa performance ng bata sa kahit na anong aspeto ng pagkatuto sa loob at labas ng paaralan.
Ipinagpapasalamat ng Jose Rico Cruz Elementary School na maliit man ang kanilang paaralan at maliit lamang ang populasyon ay hindi nakalimutan ng Provincial Government sa pamumuno ni Governor Czarina “Cherry” Umali na abutin upang tulungan ang mga mahihirap na lugar tulad nila.
Samantala, aabot sa limang daan at pitumpu’t pito ang bilang ng mga mag-aaral sa Brgy. Sinipit Elementary School na naserbisyuhan ng naturang programa.
Ang Kitchen on Wheels ay isa lamang sa mga programa ng Pamahalaang Panlalawigan na tumutugon sa pangunahing pangangailangan ng mamamayan at patuloy na lilibot sa buong probinsya upang maghatid ng serbisyo sa marami pang mga bata.— Ulat ni Jovelyn Astrero