Ikinatuwa ni JB na isang Medical Sales Representative ang pagbawas ng pamasahe sa jeep. Aniya, ito ay malaking tulong para sa katulad niyang araw-araw na bumabiyahe.
Sinimulan na noong araw ng biyernes, January 22, ang pagtapyas sa pasahe sa jeep sa unang apat na kilometro sa Metro Manila, Region 3 at Region 4.
Ito ay matapos aprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang provisional rollback.
Mananatili naman sa P1.50 ang dagdag sa susunod na kilometro.
Nabatid na mismong ang mga transport group na ang nagboluntaryong ibaba ang pamasahe sa pampublikong sasakyan dahil sa sunod-sunod na pagbaba sa presyo ng petrolyo. Ito na kasi ang ika-apat na linggong rollback sa presyo ng gasolina ngayong buwan ng Enero.
Matatandaan na taong 2005 pa nang huling naging P7 ang pasahe sa jeep.
Samantala, pinag-aaralan na rin ng LTFRB ang pagbawas din sa singil ng pamasahe sa mga bus at taxi sa buong bansa.-Ulat ni Danira Gabriel