Isang daan at apat na army reservists sa bayan ng San Antonio ang nagtapos sa Special Basic Citizen Military Training at ganap ng miyembro ng Laang Kawal na gagamiting pwersa sa rescue operations tuwing sasapit ang mga sakuna sa probinsya.
Ayon kay Col. Bernard Bautista, Deputy Commander ng 3rd Regional Community Defense Group, ang Special Basic Citizen Military Training ay unang bahagi pa lamang ng mga pagsasanay ng mga army reservists, kung saan kabilang sa kanilang pinagdaanang pagsasanay ay ang Water and Search Rescue at Incident Command System na kanilang magagamit tuwing may kalamidad.
Dagdag ni Col. Bautista, layunin ng programang ito na madevelop ang reserved component ng kasundaluhan sa pamamagitan ng mga training na ibinibigay ng 3rd Regional Community Defense Group.
Pinuri naman ni First Gentleman Aurelio Matias Umali na nagsilbing Guest of Honor Speaker bilang kinatawan ni Governor Czarina Umali, ang boluntaryong pakikibahagi ng isang daan at apat na mamamayan ng naturang bayan upang maging army reservists.
Binigyang diin din nito na hindi natatapos sa pagsusuot ng uniporme ang tungkulin ng mga army reservists para sa bayan.
Sinabi din ng dating Gobernador na magsisilbing inspirasyon ng kapwa Novo Ecijano ang isang daan at apat na nagsipagtapos pagdating sa pagboboluntaryo.
Sa ibinahagi namang mensahe ni Mayor Arvin Salonga ng San Antonio, ay nagmungkahi sa Armed Forces of the Philippines ng ilang panuntunan, ilan dito ay ang pagkakaroon ng pamunuan ng mga reserved army sa naturang bayan upang magpatuloy ang ugnayan ng mga ito at mga mamamayan ng bayan ng San Antonio.
Pangalawa, ay ang pagkakaroon ng regular na pagpupulong upang mapagtibay ang samahan ng mga ito, pangatlo ay ang pagtulong sa mga biktima ng mga kalamidad o aksidente upang magamit ang kanilang mga natutunan sa loob ng anim na buwan.
Pang-apat ay ang pagpapanatili ng kalinisan at pagsasaayos ng mga basura, at pang lima ay maging katuwang ng Lokal na Pamahalaan ng San Antonio ang mga ito sa pagsugpo sa illegal na droga at iba pa.—Ulat ni Jovelyn Astrero