Itinampok ang mga produktong Novo Ecijano sa isinagawang trade fair na parte ng selebrasyon ng COOP month celebration kamakailan kung saan naipamalas ang galing at talento ng mga ito sa paggawa ng mga produkto gaya ng bag, wine, wood furnitures, at iba’t-ibang klase ng pagkain.

Ibinida ng cremeria Ecijana ang kanilang mga produkto na gawa sa gatas ng kalabaw katulad na pastillas at flavored milk.

Nilahukan ito ng mga kasapi ng kooperatiba na nagmula sa iba’t-ibang munisipalidad at syudad ng lalawigan.

Isa si Almira Beltran, miyembro ng kooperatiba sa San Jose City sa nagpakita ng pagkamalikhain sa paggawa ng mga bag at accessories sa pamamagitan ng beads work.

Kwento ni Almira, nagsimula lamang siya sa paggawa ng maliliit na bracelet hanggang sa makagawa siya ng bag at naging negosyo. Aniya, simula nang siya’y bata pa ay libangan na niya ang paggawa ng mga ito.

Dagdag pa ni Almira, sa paglipas ng panahon ay naitigil niya ang paggawa ng beads work sapagkat siya’y nagtrabaho sa abroad kung saan siya nakulong ng walong buwan. Dito ay muli niyang ipinagpatuloy ang paglikha ng mga handicrafts hanggang sa siya ay makalaya at makabalik nang Pilipinas.

Napukaw ang atensyon ng mga mamimili sa mga binebentang wood furnitures ng kooperatiba ng Pantabangan.

Samantala, agaw-pansin naman ang mga wood furnitures na gawa ng kooperatiba mula sa munisipalidad ng Pantabangan. Ayon naman kay Robelia Ematong, ang mga kahoy na ginagamit nilang materyales ay nagmumula sa mga bundok. Aniya, ito ay iyong mga inaanod ng tubig baha habang ang iba naman ay inaamot nila sa mga magkakahoy.

Dagdag pa ni Robelia, namana niya sa kanyang mga ninunong mula sa Ifugao ang hanapbuhay na paggawa ng wood furnitures at pag-uukit ng kahoy. Aniya, layunin din nila dito na mapakinabangan ang mga kahoy na akala ng iba ay patapon na.

Ipinagmamalaki naman ng kooperatiba ng Gabaldon ang kanilang wine na gawa sa prutas na bignay. Ayon kay Jessica Abasolo, hindi napapansin at nasasayang lamang ang bignay sa kanilang lugar kaya naman naisip nilang gawin itong sangkap ng wine. Bukod pa rito, ay marami aniyang health benefits ito para sa mga diabetic at may high blood pressure.

Mayroon ring mga natural products na magagamit sa pagsasaka na gawa ng Calabalabaan Farmers Agrarian Reform Beneficiaries Cooperative ng Science City of Muñoz. Ibinahagi ni Felix Eugenio ang kanilang mga produkto katulad ng pampatuyo ng dayami at pamparami ng suwi ng palay na gawa sa katas ng isda.

Samantala, bukod sa maga nabanggit na produkto ay marami pang ibang gawang Novo Ecijano ang ibinida sa trade fair kagaya na lamang ng mga herbal products, gatas at pastillas na gawa sa gatas ng kalabaw, macaroons, crackers, leche flan at espasol. Mayroon ding mga bag, sinturon, wallet, tsinelas at iba pang mga kagamitan.

Itinampok naman ng mga Senior Citizen ng Talavera ang kanilang home made products katulad ng atsara, salted egg, iba pang mga ulam at dishwashing liquid.

Ayon kay Elvira Ronquillo, officer-in-charge ng Provincial Cooperative and Entrepreneurship Development Office, layunin nito na matulungan ang mga miyembro ng kooperatiba na magtagumpay sa kani-kanilang negosyo. – Ulat ni Irish Pangilinan