Bumuo ng Geohazard technical committee and technical working group ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija, bilang paghahanda sa nakaambang panganib ng mga paparating na bagyo dulot ng La Niña.
Ang Executive Order no. 2 na pirmado ni Former Gov. Aurelio Umali noong June 24, 2016, ay naguutos nang pagtatalaga nang isang grupo na babalangkas at maglalatag ng mga angkop na solusyon sa nakaambang panganib na dulot nang muling pagkakaroon ng landslide o pagguho ng mga lupa sa mga kabundukan na posibleng muling tumabon sa bayan ng Gabaldon, Laur, Bongabon at Pantabangan.

Aerial shot ng Gabaldon, pagkatapos rumagasa ang bagong lando, kabayan at nona.
Layunin nito na hindi na maulit pa ang malaking pinsala na idinulot ng bagyong kabayan, lando at nona noong nakaraang taon.
Sa pangatlong pagpupulong ng Geohazard technical committee, napagdesisyunan ng grupo na kailangan nang pakiusapan sa lalong madaling panahon ang mga residente na lisanin na ang kanilang tirahan. Dahil sa pagkakataong ito ay halos kasinglaki na umano ng pampasaherong bus ang mga batong nakaambang bumagsak sa mga kabahayan.
Nakatakdang bumaba ang grupo sa mga lugar na nasa “danger zone”, partikular na ang Brgy Calabasa at Brgy Bagting, Gabaldon; Brgy San Fernando at Brgy San Vicente, Laur; Brgy Labi, Bongabon; at Brgy Cadaclan at Brgy Marikit, Pantabangan.
Tinukoy din ng Geohazard committee, ang mga multipurpose facilities na ipinagawa ng Provincial Government na gagawin munang relocation sites upang malipatan pansamantala ng mga residente.
Aminado ang PDRRMO na hindi magiging madali ang pangungumbinsi sa mga residente.
Ang Geohazard committee ay binubuo nang Punong Lalawigan, Panlalawigang Tagapangasiwa; mga miyembro ng PDRRMO, ENRO, PENRO-DENR, PEO, DPWH-NE,OPA, NIA-UPRIS, PIA, PPDO, PAMO, MGB at mga Punong Bayan at Kapitan ng mga apektadong lugar. -Ulat ni Danira Gabriel