Inaasahan ng kampo ni Former Governor Aurelio Umali na mapatutunayan na ang mga nangyaring dayaan noong eleksyon 2016 kasunod ng pag-usad ng kanyang isinampang electoral protest laban kay Congressman Rossana Vergara matapos ipakolekta ng House of Representatives Electoral Tribunal ang mga balota na gagamiting ebidensya.

Bukod sa mga ballot boxes na may lamang balota, kabilang sa binawi ng HRET ang mga book of voters, voters registration at iba pang election paraphernalia mula sa mga bayan ng Gabaldon, General Natividad, Laur, Palayan City, Sta. Rosa at Cabanatuan City.

Sa panayam kay Atty. Oyie Umali, sinabi nito na tinatayang umaabot sa mahigit 17, 000 ang natuklasan nilang sumobrang boto na karamihan ay mga namatay na at mga hindi nakarehistro pero nakaboto.

Umaabot umano sa 17, 000 ang sumobrang boto na noong nakaraang Local and National Elections 2016.

Paliwanag nito, base sa pagsusuri ng kanyang mga abogado lumalabas na nagpabaya ang Comission on Elections sa paggampan sa tungkulin nito na maging malinis ang eleksyon.

May budget naman aniya ang Comelec ngunit hindi ito ginamit para naiwasan sana ang dayaan. Inihalimbawa nito ang paggamit ng biometrics para matiyak na ang rehistradong botante ang makaboboto.

May mga teachers din aniyang nakipagsabwatan kung kaya may mga flying voters na nakalusot.

Nilinaw ni Atty. Umali na higit sa kanyang pagkapanalo, mahalagang maibunyag ang nangyaring dayaan noong nakaraang eleksyon upang managot at maparusahan ang mga may sala at para hindi na ito maulit pa. –ulat ni Clariza de Guzman