Kinukwestyon ng Public Attorney’s Office at ama ni Reynaldo de Guzman alyas Kulot ang resulta ng DNA test ng Philippine National Police na hindi umano bangkay ng nawawalang 14-anyos na binatilyo ang natagpuan sa isang creek sa Gapan City.

Sa isang panayam kay PAO Chief Persida Acosta, sinabi nito na sa kanyang pagkakaalam ay walang permiso o hindi ipinaalam sa magulang ni Reynaldo na magsasagawa ng eksaminasyon ang PNP sa labi nito.

Pinanghahawakan ni Atty. Acosta ang personal na pagkilala ng magulang ni de Guzman sa bangkay nito kaya naninindigan ito na si Kulot ang bangkay na narekober sa Gapan at pinaglamayan sa Cainta, Rizal.

Llanera- Kinilala na ng Nueva Ecija Provincial Police ang dalawang patay na lalaking natagpuan sa Purok 2, barangay General Luna.

Base sa follow-up investigation na isinagawa ng Llanera Police Station sa Cabanatuan City at bayan ng Talavera, natukoy na ang mga bangkay ay sina Ronald Agluba y dela Cruz, 39 years old, may asawa, residente ng barangay Pantoc Bulac, Talavera at Ramon Chito de Jesus y Agulto, disi 19-anyos, binata, construction worker, naninirahan sa barangay D.S. Garcia, Cabanatuan. Ang dalawa ay kapwa umano drug personalities sa kanilang lugar, miyembro ng “Akyat-bahay” at sangkot sa robbery hold-up group.

Sa impormasyong nakalap ng pulisya, napag-alaman na ang dalawa ay dinukot ng mga hindi nakilalang suspek bandang alas dos ng madaling araw noong September 11, 2017 sa D.S Garcia, Cabanatuan.

Alas sais ng umaga ng parehong petsa, nang makita ng isang magsasaka ang bangkay ng dalawa na nakabalot ng packaging tape ang mga ulo at nakatali ng tela ang mga paa sa General Luna, Llanera.

Narekober ng SOCO sa crime scene ang dalawang sealed transparent plastic sachet, dalawang fired bullet at isang basyo ng bala. Nang tanggalin ang packaging tape tumambad na parehong may tama ng bala sa ulo sina Agluba at de Jesus.-ulat ni Clariza de Guzman.