Nagkaroon ng bahagyang argumento sa pagitan ni Konsehal Peter Marcus Matias at Atty. Baltazar Roswello, kinatawan ng grupo ni Congressman Rosanna Vergara bago magsimula ang pangongolekta ng ballot boxes. Ito ay patungkol sa kung sino ang magbubuhat ng mga balota sapagkat wala silang nadatnan na empleyado sa munisipyo ng Sta. Rosa dahil suspendido ang pasok dulot ng bagyong Maring.

Ang mga inupahang tagabuhat habang isa-isang dinadala ang mga ballot boxes sa truck.
Kaagad namang naresolba ang isyung ito dahil napagkasunduan ng dalawang panig at ng House of Representatives Electoral Tribunal na umupa na lamang ng mga tagabuhat ng mga ballot boxes.
Matatandaan na nagsimula ang pagkolekta ng mga ballot boxes sa ikatlong distrito ng Nueva Ecija noong September 7 dahil sa electoral protest na inihain ni Former Governor Aurelio Umali laban kay 3rd District Congressman Rosanna Vergara.
Samantala, maayos naman na nakolekta ang 67 ballot boxes, isa sa mga ito ang natagpuang basag habang isang plastic seal naman ang natagpuan sa labas ng pinaglagyan ng mga balota. Kasama rin ang 64 boxes of casting vote receipts at mga election paraphernalia.

Ang kinatawan ng House of Representatives Electoral Tribunal kasama ang kinatawan ng panig ni Former Governor Aurelio Umali at Congressman Rosanna Vergara.
Sinuring ring mabuti ng HRET kasama ang kinatawan ng panig ni Governor Umali at Congressman Vergara ang bawat kahon ng ballot boxes pati na rin ang mga metal seal at plastic seal nito.
Pagkatapos ay naunang isinakay ang 48 ballot boxes sa truck upang dalin sa Provincial Commission on Elections sa Cabanatuan City na ineskortan ng grupo ng kapulisan ng Provincial Public Safety Company. Pagkalagay ng mga balota sa ComElec ay binalikan sa Sta. Rosa ang natirang 19 ballot boxes para kolektahin.
Ayon naman kay Teofilo de Castro Jr., Examiner ng HRET, pansamantalang ilalagak ang mga nakolektang balota sa ComElec at sa Huwebes, September 14 nila balak iluwas ang mga ito sa HRET upang doon bilangin. –Ulat ni Irish Pangilinan