Pormal ng inilunsad ng SSS o Social Security System at Local Government Unit ng Guimba ang AlkanSSSya Program sa kanilang munisipalidad sa pamamagitan ng MOA o Memorandum Of Agreement Signing bilang alternatibong tulong upang mas maging abot kaya para sa mga manggagawa na magbayad at makinabang sa mga benepisyo na inaaalok ng ahensya.
Mahigit kumulang sa isang daang Job Order at Contractual ang sinakop ng programa, upang maging aktibong kaanib ng SSS. Dahil hindi sila kasama sa ilalim ng ipinatutupad na batas ng GSIS o Government Service Insurance System.
Ayon kay Vilma Agapito, Division Head ng Central Luzon ng SSS talagang pinalawak ang programa upang mabigyan ng Social Security Protection ang lahat ng mamamayang pilipino.
Ang kanilang SSS Savings ay nakalagak sa kanya-kanyang kahon na nananatili sa kanilang sariling AlkanSSSya unit. Kung saan magbibigay sila ng PhP 330.00 kada buwan bilang kontribusyon.
Lubos naman na nagpapasalamat sa ahensya si Mayor Jose Dizon, mahalaga umano na makapagipon ang kanyang mga manggagawa para sa kanilang kinabukasan.
Kapag nabayaran na ang kinakailangang buwanang hulog, ang mga miyembro ay nakatitiyak na matatanggap ang parehong benepisyo na ibinibigay sa mga regular na miyembro ng SSS.
Sa mga nagnanais lumahok sa nasabing programa, makipag-ugnayan lamang sa kani-kanilang LGUs o bumisita sa inyong pinakamalapit na opisina ng SSS para sa karagdagang impormasyon at tulong.- Ulat ni Danira Gabriel
[youtube=http://www.youtube.com/watch?v=HRaknJF3Sec]