Mahirap at magastos magkasakit, kaya naman kailangan na pangalagaan ang kalusugan, ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ang medical services at iba pang serbisyong pangkalusugan ng Service Caravan ng Pamahalaang Panlalawigan ang may pinakamahaba at nauunang pinipilahan ng mga mamamayan.

Dininig na panalangin na maituturing ni Aling Jecelyn Padua, ng Brgy. Del Pilar ng Bayan ng Rizal, ang pagdating ng Service Caravan sa kanilang lugar dahil nabigyan ito ng pagkakataon upang mapaoperahan ang kanyang cyst sa likod na matagal na nitong iniinda.

Kayamanan panghabam-buhay, ganito naman inilarawan ni Lola Agustina Ruiz, ang kahalagahan ng kalusugan. Aniya, maaaring maapektuhan ng pagkakasakit ang paghahanap-buhay ng tao upang maitaguyod ang pamilya sa pang-araw araw na pangangailangan.

Sa panayam kay Mayor Rafaelito Andres, sa kabila ng mga medical mission na isinasagawa ng Pamahalaang Lokal ng Rizal ay sadyang dinudumog pa rin ng kanyang mga kababayan ang ganitong klase ng serbisyo upang masiguro na ang bawat pamilya ay may maiinom na gamot kapag may isa man sa mga miyembro nito ay nagkakasakit.

Sa datos ng mga nag-avail ng mga serbisyong pangkalusugan sa Bayan ng Rizal, umabot sa 603 ang nagpa-medical check-up, may bilang namang 175 ang nagpa-dental, labing isa ang nagpa-minor surgery, dalawampu’t dalawa ang nagpa-pap smear, nasa 131 namang mga senior citizen ang naserbisyuhan ng flu vaccine, 106 sa nutrition, 45 ang nagpa-fluoride varnish, at may anim napu’t lima naman ang partisipante sa Environmental Sanitation, na may kabuuang bilang na 1158.

Samantala, kabilang din sa hatid na serbisyo ng programa ay ang libreng repair ng mga electronics at electric appliances, kung saan tatlumpu’t lima ang nag-avail.

Isa si Generoso Almerol, sa tatlumpu’t limang nagpagawa ng TV at electric fan, aniya isang buwan na siyang nahuhuli sa mga palabas sa telebisyon dahil hindi nito maipagawa ang sirang TV dahil sa kawalan ng pera.

Kaya naman laking tuwa nito ng malamang maaari na niyang maipagawa ang kanilang telebisyon ng libre sa pamamagitan ng Service Caravan ng Provincial Government.

Maliban sa mga serbisyong pangkalusugan at libreng repair ng mga appliances ay naghatid din ang Malasakit Caravan ng libreng massage kung saan tatlong daan at limang katao ang nakapag-avail nito, libreng gupit na may dalawang daan at sampung katao ang nabenepisyuhan, manicure and pedicure na may isang daan at pitumpong Rizaleno ang naserbisyuhan, at walumpo ang nakapag-avail ng libreng change oil at tune up, at marami pang iba.

Nagpasalamat naman si Mayor Andres dahil isa ang kanilang bayan sa napiling mabenepisyuhan ng Service Caravan ng Provincial Government kung saan humigit kumulang dalawang libong mamamayan nito ang nakinabang.—Ulat ni Jovelyn Astrero